Fecowaste01_MPD_kjrosales_281214-619x457

Iginiit ng mga environmental at animal welfare group ang pagbabawal sa paggamit ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon, sinabing ang naturang tradisyong Pinoy ay nakasasama at stressful hindi lang para sa mga tao kundi maging sa mga hayop.

Sa pagtitipon kahapon sa harap ng Malate Catholic Church, hinimok ng nasabing mga grupo, bitbit ang kani-kanilang alagang hayop, ang publiko na magpakita ng malasakit at awa sa mga hayop na hindi magawang makiusap para sa kanilang sarili.

Magkasamang inorganisa ng EcoWaste Coalition at Care for the Earth Ministry of Our Lady of Remedies Parish, isinulong ng mga grupo ang kampanyang “Iwas PapuToxic” para sa isang mas malinis at mas ligtas na selebrasyon ng Bagong Taon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nakibahagi rin sa kilos-protesta ang mga miyembro ng Animal Kingdom Foundation, Inc. (AKF), Compassion and Responsibility for Animals (CARA Welfare Philippines) at Philippine Pug Lovers Club.

Matapos ang isang maikling programa at makaraang basbasan ni Father John Leydon, nagmartsa ang grupo sa paligid ng simbahan hanggang sa kalapit na Plaza Rajah Sulayman, bitbit ang mga karatula na may mensaheng “Be Kind to Animals: Say No to Firecrackers.”

Sinabi ni Atty. Heidi Caguioa, ng AKF, na ang matagal na pagkakalantad sa nakabibinging ingay ng mga paputok, nakabubulag na mga liwanag ng mga pailaw, at makapal at mabahong usok ay makapipinsala sa sensitibong pandinig, pang-amoy at paningin ng mga hayop.

“Ang biglaang pagsabog ng mga paputok ay hindi lamang magdudulot ng takot sa maliliit na hayop, gaya ng mga ibon, pusa at aso, kundi magdudulot din ng matinding stress, gaya ng pagsakit ng tiyan, kawalan ng ganang kumain at mababawasan ang sense of direction na mauuwi sa pagkaligaw o pagkasugat ng hayop,” sabi ni Caguioa.