Nilimitahan na sa kabuuang 500 ang makalalahok sa isasagawang Zumba Marathon ngayong umaga mula sa Laro’t-Saya sa Parke, PLAY N’LEARN na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Burnham Green sa Luneta Park.

Ito ang ikalawang pagkakataon na gaganapin ang culminating activity na inendorso ng Palasyo ng Malakanyang at programa para sa family bonding, physical fitness at grassroots sports development program kung saan ay kasama rin ang pagsasagawa ng football festival at volleyball challenge.

“Laging safety ng participants ang main concern natin,” sabi ni PSC Research and Planning head at Laro’t-Saya Project Manager Dr. Larry Domingo Jr.

“Gusto natin na maisali ang lahat pero hindi na maisantabi ang safety ng mga kasali especially sa nasa second category,” giit pa ni Domingo.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

Inaasahan naman na magkakasukatan ng resistensiya at husay sa pagsayaw ang mga kababaihan at maging ang kalalakihan na madalas nag-eehersisyo sa libreng pagtuturo ng zumba, arnis, badminton, volleyball, karatedo, chess, taekwondo at football.

Ang football at volleyball challenge ay tatampukan ng mga kabataan na regular na dumadalo at nagpapapawis sa Luneta kung saan ay makakasagupa nila ang mga representante sa Kawit, Cavite.

Paglalabanan ang kategoryang 18-40 years old at 41-55 years na may nakalaang premyo sa Top 5. May iuuwing premyo din ang mapipili sa special awards na Best in Costume at Wackiest Dancer at magbibigay ng 50 raffle prizes.

Isasabay sa Zumbathon ang football at volleyball challenge kung saan ay nakataya ang kabuuang P24,000 premyo.

Nakalaan ang P2,000 sa top winners sa 18-40 at 41-55 age brackets sa male at female divisions habang tig-P1,500 sa ikalawa at tig-P1,000 sa ikatlo. Mayroon ding P500 bawat isa para sa ikaapat at ikalimang mapipili sa Zumbathon.

Ang Best in Costumes at Wackiest Dancers ay may P500 habang magbubulsa ng P2,000, P1,000 at P500 naman sa top three sa football at volleyball teams.

Samantala, umabot sa kabuuang 150 katao ang nakisali sa dry-run sa Kawit, Cavite kung saan ay 117 ang sumali sa zumba, 6 sa badminton, 8 sa taekwondo at 19 sa volleyball.