NAGTATAMPO ang mga kababayang Pinoy sa Los Angeles, California USA sa sikat na aktor at aktres dahil nang nagbakasyon daw ang mga ito sa nasabing lugar ay hindi man lang sila pinagbigyang magpa-picture.
Napadpad kami sa Seafood City Supermarket sa Colorado Boulevard, LA na pawang produktong Pinoy ang ibinebenta at doon daw talaga namimili ang mga kababayan natin lalo na’t katabi lang nito ang Jollibee at ang well-known Valerio’s Bakery na tubong-Cavite City ang may-ari na nakipagsapalaran sa Amerika at ngayon ay may kasalukuyang 17 branches at magbubukas ng ilang sangay sa Hawaii sa 2015.
Nabalitaan ng mga kababayaan natin doon na nasa sasakyan ang sikat na aktor at aktres na nagpabili ng pagkain sa Jollibee.
Karaniwan namang sabik sa mga artistang kababayan ang mga kapwa natin Pinoy na ilang taon nang naninirahan doon, kaya nagpasabi sila sa mga kasama ng sikat na aktor at aktres kung puwede silang magpa-picture. Hindi sila pinagbigyan.
“Hindi po sila bumaba at at maski na anong pakiusap namin sa kasama nila, sinabi na hindi raw puwede kasi nagmamadali sila. Nakarating naman kina _____ at _____ (aktor at aktres) ang pakiusap namin, dinedma kami at ni hindi nga bumati, pareho pang naka-shades sa loob ng sasakyan.
“Nakakalungkot lang kasi hinahangaan pa naman sila rito dahil sikat sila at lahat ng pelikula nila pinapanood namin, pero ganu’n pala sila,” kuwento ng mga staff ng Jollibee, Valerio’s at Seafood City Supermaket.
Pero hindi na kami nagtataka sa ganitong experience ng mga kababayan natin sa ibang bansa dahil kahit naman dito sa Pilipinas ay hindi rin basta nagpapa-picture sa fans ang feeling royalty na mga personalidad, maliban na lang kung nahahagip sila ng camera kapag may premiere night.
Baka ginagaya na rin nina sikat na aktor at aktres ang ibang Hollywood stars na bawal silang magpa-picture sa fans.
Sabagay, ang sikat na aktor ay peg na peg niya ang sikat at premyadong aktor sa Hollywood, hindi lang namin alam kung sino naman ang idol ng sikat na aktres dahil parang waley naman, ha-ha,-ha!