Hiningi ng Makati City Fire Department ang tulong ng lokal na pulisya tungkol sa pagkamatay ng isang tatlong taong gulang na lalaki sa isang sunog noong Pasko na hindi iniulat sa himpilan.

Sinabi ni Makati Fire Marshall Supt. Ricardo Perdigon na nalaman lang niya noong Disyembre 26 ang tungkol sa sunog na nangyari dakong 10:00 ng gabi, Disyembre 25 sa Barangay Tejeros.

Matapos beripikahin, kinumpirma ni Perdigon na hindi naiulat sa kanilang estasyon ang sunog o maging sa barangay o sa Makati C3/ Central Command Center, kaya naman pinaimbestigahan niya ang insidente.

“Nakapagtataka lang na wala kahit sino, kahit man lang ang mga kapitbahay, na nag-report sa sunog na ikinamatay ng isang bata,” ani Perdigon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon sa paunang imbestigasyon, namatay ang tatlong taong gulang na si Carlo habang ginagamot pa sa Sta. Ana Hospital ang kapatid nitong sanggol at tatlo pang bata na pinsan ng magkapatid.

Hindi umano nakalabas sa nasusunog na silid ang mga paslit.

Sinabi ni Perdigon na tanging ang kama ang nasunog sa insidente habang himbing ang mga bata.

Ang sunog ay sanhi ng napabayaang kandila.