Itinaas ng pulisya ang alerto sa Metro Manila kahit walang namo-monitor na banta sa seguridad ang National Capital Region Police Office (NCRPO).
Simula noong Disyembre 22 ay nasa full alert status na ang NCRPO at magtutuluy-tuloy ito hanggang sa pagbisita ni Pope Francis sa bansa sa susunod na buwan.
Ayon kay NCRPO chief Director Carmelo Valmoria, nais lamang nilang matiyak na ligtas ang publiko ngayong holiday season.
Sinabi ni Valmoria na tututukan ng pulisya ang selebrasyon sa pagsalubong sa Bagong Taon, partikular ang bentahan at paggamit ng mga ilegal na paputok.
Kaugnay nito, hinikayat ni Valmoria ang publiko na makipagtulungan sa Philippine National Police (PNP) at kung may nakitang mga paglabag, gaya ng ilegal na pagpapaputok ng baril at paggamit ng mga ipinagbabawal ng paputok, ay agad na isumbong sa pulisya.