Malamang magpahanggang ngayon, may natira pang pagkain na inihain noong Noche Buena, at malamang din na kakainin mo rin iyon mamaya upang maubos na. Kahit pa sabihin mong ayaw mo nang kumain, kakain ka pa rin dahil maiinggit ka sa mga mahal mo sa buhay na kumakain maya’t maya. At malamang din na kapag nagkayayaan, parang mauulit ang Noche Buena.
Ngunit paparatin naman ang Media Noche – ang piging ng bisperas ng Bagong Taon. Kakain ka na naman. Kapag napuno mo na iyong tiyan ng inihaw na manok, ng kanin, ng pinausukang tahong, talaba at bangus, na tinapos mo sa isa – dalawa – tatlong boteng beer, ano na? Hahangaan mo rin ang iyong sarili kung matatanggihan mo ang anyaya ng masarap na spaghetti, leche flan, barbecue, pati na ang udyok ng iyong mga kaibigan na makisalo sa masayang inuman.
Minsan, kahit matibay ang iyong paninidigan, hindi mo maiiwasang kumuha ng mangunguya habang naka-display sa iyo ang mga pagkain, lalo na kung walang magagalit kapag kumuha ka. Ang iyong mga kinakain, kapag nagsama-sama na sa iyong tiyan at bituka, ay maaaring magdulot ng komplikasyon sa kalusugan. Upang hindi ka malason ng iyong sobrang kinain, may mga tip ang mga eksperto para rito.
Ayon mga dalubhasa sa kalusugan, ang maayos na digestion ang pinakamahalagang bahagi ng mahaba at malusog na buhay. Ang iyong digestive system ay binubuo ng marmaing organ na sabay-sabay nagtatrabaho upang madurog, malusaw, ma-absorb at maproseso ang lahat ng nutrients ng iyong kinain. Kung mahina ang iyong digenstion, maaari kang maging malnourised at maiipon ang mga toxin sa iyong katawan na magbubunga naman sa iyong pagkakasakit at mabilis na pagtanda.
Paano ba nagkakaroon ng indigestion? Hindi ka matutunawan kung sobra ang iyong kinain, lalo na kung ang pagkain ay may taba, maanghang; o sobra ang iyong pag-inom ng alak, kape at ilang acidic na inumin. Anu-ano ba ang remedyo o maaaring gawin upang maibalik ang maayos na digestion? Aalamin natin bukas.