Nagpahayag kahapon ang Malacañang ng kumpiyansa na magagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipagtanggol ang sarili kaugnay ng report ng Commission on Audit (COA) noong 2013 na nagsabing may mga nawawalang benepisyaryo ng Conditional Cash Transfer (CCT) program at na-delay ang paglalabas ng budget para sa mga sinalanta ng bagyo.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na gaya noon, magagawa ng DSWD na malagpasan ang anumang kontrobersiya, kabilang na ang nasabing alegasyon ng COA.
“It’s not the first time na nagkaroon po ng mga ganitong observations ang COA sa DSWD, and in our past experience, lagi naman pong nasasagot ng DSWD ‘yung mga audit observations ng COA to their satisfaction,” sabi ni Valte.
“Katulad po in this case, ang nangyari ay hindi po nai-include ‘yung management’s response doon ho sa COA report. I understand that Gamoteait was submitted by DSWD noong November,” dagdag pa ni Valte.
“Nailabas ho ‘yung report ‘nung December 15 at naibigay po ito doon sa ahensiyang involved, which is DSWD, at hindi po naisama ‘yung kanilang management’s response. Importante po na maisama ito para ma-consider din po ng COA ang sagot ng DSWD,” aniya pa.
“In the past years, ang nangyayari po kasi naiiwan ‘yung datos. Kumbaga, ‘yung mga datos po natin mula doon sa regional offices ay hindi po minsan umaabot doon sa cut-off, so kailangan po talagang hatakin ng central office para maipasa po ‘yan sa COA,” sabi pa ni Valte.
Sa COA report para sa 2013 na inilabas nitong Disyembre 15, 2014, natuklasang may 4,300 double entry sa listahan ng mga benepisyaryo ng CCT na umaabot sa P46.502 milyon.
Napaulat na nagkaroon din ng delay sa paglalabas ng mga pondo para sa mga biktima ng bagyong ‘Sendong’ noong 2011.