ORLANDO, Fla. (AP)- Nagsalansan si LeBron James ng 29 puntos at 8 assists, habang naghabol muna ang Cleveland Cavaliers upang biguin ang Orlando Magic, 98-89, kahapon.
Umiskor si Kevin Love ng 22 puntos at nag-ambag si reserve Dion Waiters ng 17 sa Cleveland, nakabuwelta mula sa 101-91 loss sa Miami noong Christmas day. Sinunggaban naman ni Tristan Thompson ang 13 rebounds.
Umentra ang Cavaliers na wala sa hanay si point guard Kyrie Irving, na-sidelined sanhi ng bruised knee.
Pinamunuan ni Tobias Harris ang Orlando na kaakibat ang 16 puntos. Inasinta ni Nik Vucevic ang 12 puntos, 7 assists at 8 rebounds, habang nagtala si reserve Evan Fournier ng 15.
Nabigo ang Magic sa ikalimang pagkakataon sa huling anim na mga laro.
Ang dunk ni Vucevic sa nalalabing 1:58 ang naglapit sa Orlando sa 3 puntos na pagkaiwan, subalit mula noon ay ‘di na madugtungan ng Magic ang mga mahahalagang basket.
Isinagawa ni James ang three-point play sa natitirang 40.7 segundo at pagkatapos ay humirit ng tatlong foul shots na siyang nakatulong upang isara na ang panalo.
Taglay ng Magic ang 59.6 percent sa shooting sa unang tatlong quarters, ngunit nakahirit lamang ng 5-of-23 shots (23.8 percent) sa final period.
Ikinasa ng Cleveland ang 11-5 surge sa fourth upang buksan ang 92-85 lead mula sa 10-foot jumper ni James. Ipinoste ng four-time NBA MVP ang 17 sa huling 19 ng Cavs.
Maliban kay Irving, sumailalim sa operasyon si center Anderson Varejao upang kumpunihin ang torn left Achilles tendon at ‘di na ito makikita sa kabuuan ng season.
Itinarak ng Magic ang 10-0 run upang buksan ang 74-65 lead sa nalalabing 2:34 sa orasan sa third quarter, kabilang na ang 3-pointer ni Fournier mula sa corner.
Dinala ng Orlando ang 75-71 lead sa final period, subalit ang 15-foot jumper ni James at 3-pointer ni Mike Miller ang nagbigay sa Cleveland sa 84-80 advantage, may 6:42 pa sa korte.
TIP INS
Cavaliers: Hindi nakapaglaro si Love sa fourth.
Magic: Kapwa natawagan sina Harris at James ng technical foul nang magkagirian sa kalagitnaan ng third quarter.