Lumalabas na kakaiba si Pope Francis sa mga nauna sa kanya, nagsasalita at kumikilos sa hindi inaasahang mga paraan. Marahil ang pinaka-hindi inaasahan ay ang kanyang pagbatikos sa burukrasya ng Vatican na naging bahagi ng kanyang Christmas speech sa mga kardinal, obispo at pari noong Lunes.

Binatikos ng prangkang Papa ang kanyang tinatawag na pagnanasa sa kapangyarihan, pagkaganid, egoism, exhibitionism, at ang pagkahumaling, kapritso, at pagkahibang sa Curia. Sumasalamin sa kanyang mga salita ang kanyang pagsisikap na tugunan ang katiwalian at ang maling pangangasiwa sa burukrasya ng Vatican. Sinimulan niya ang kanyang pagka-papa sa pagpapangalan ng walong kardinal mula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig upang payuhan siya sa pagbabago ng Curia. Kaya nagkaroon siya ng mga kaaway, lalo na sa mga konserbatibo sa Simbahan.

Hindi niya iniwasan ang komprontahin ang Islamic State extremists, kinondena ang kanialng “brutal na pagpapahirap” sa mga Kristiyano sa Iraq. Sa kanyang Christmas message ngayong linggo, isinatinig niya ang kanyang pag-aalala sa mga Kristiyano na pinalalayas mula sa mga tirahan nito mula pa noong panahon ng Bagong Tipan. Noong Bisperas ng Pasko, kinausap niya ang mga refugee sa pamamagitan ng telepono sa isang tent camp malapit sa Kurdish na lungsod ng Abril, hinimok ang mga Kristiyano sa rehiyon na manaig at tawagin ang Islamic State bilang “terrorist organization” na nagsasagawa ng “all types of abuses.”

Sa Enero, bibisitahin ni Pope Francis ang Pilipinas, sa layuning makadaupangpalad ang mga biktima ng super-typhoon Yolanda sa Leyte. Noong isang araw, ang Moro Islamic Liberation Front (MILF), sa hindi inaasahang pagkilos, inanyayahan ang Papa na pasyalan ang Cotabato City sa pag-asang makatutulong siya sa pagwawakas ng hidwaan sa Mindanao. Hiniling ni MILF Chaiman Al-Haji Murad Ebrahim sa Papa na magsalita sa mga mamamayan ng Bangsamoro hinggil sa tuluy-tuloy na pagsisikap para sa kapayapaan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Naipahayag na ang mga alalahanin hinggil sa seguridad ng Papa sa kanyang limang araw na pagbisita sa Metro Manila at Leyte. Isang papal trip sa Mindanao ay magiging bangungot para sa lahat ng kinauukulan. Malamang na hindi mababago ang mahigpit na schedule ng Papa sa ganitong kaigsing panahon.

Ang imbitasyon para sa Papa na bisitahin din ang Cotabato City at magsalita sa mga Muslim ay may kung anong panawagan sa isang peacekeeper na tulad ni Pope Francis. ang Pope of the Unexpected ay maaaring paunlakan ang sinserong paanyaya ng mga opisyal ng MILF. Ngunit, kapag naisaalang-alang na ang lahat, kabilang na ang pangamba na may mga ekstremetista ng Islamic State sa Mindanao, mas mainam pa para kay Pope Francis na manatili na lamang sa kanyang napagpasyahang schedule kapag dumating siya sa Enero.