FINALLY, napanood na namin ang Feng Shui 2 nitong Biyernes sa Gateway at nag-umpisa kaming pumila ng 6 PM para sa last screening na 10 PM.

Wala na nga sana kaming planong panoorin dahil masyado nang gabi at ihahatid pa namin ang anak naming si Patchot sa Maynila, pero nagpumilit na gusto niyang mapanood ang Feng Shui dahil napanood niya ang una at gusto raw niyang maikumpara kaya wala kaming choice kundi pagbigyan ang bagets.

Nakakatawa ang lahat ng tao sa Gateway Cinema 1 dahil nu’ng ipakita na ang logo ng Star Cinema at K Productions ay sabaysabay nagsigawan ng, “Hayan na, magtakip na kayo!”

At totoo nga, isa kami sa mga nagtatakip ng mukha pero ang kasama naming bagets ay hindi man lang kumukurap o napapapikit dahil enjoy na enjoy siya sa nakakagulat at nakakatakot na mga eksena saka tatawa ng malakas na parang comedy film ang dating.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Kaya tinanong namin, ‘Patchot, hindi ka ba natatakot?’ at ang mabilis na sagot sa amin, “Hindi po, nakakatawa nga. Manood ka kasi, takip ka nang takip.”

Oo nga, nakakatawa nga ang maraming eksena at maganda ang sound effects kaya nakakagulat saka sasabayan ng pagpapakita ng mga namatay na at ni Lotus Feet kaya nakakatakot.

Aliw na aliw kami kay Cherry Pie Picache bilang Lily Mendoza na isa sa nagmay-ari ng bagua na naniniwalang hindi kamalasan ang dulot nito sa kanya kundi suwerte. Kaya atat siyang mabawi ito at nagsinungaling siya kina Joy Ramirez (Kris Aquino), Master Liao (Joone Gamboa) at Lester Añonuevo (Coco Martin) na nasa kanya na ito.

Oo nga, suwerte naman talaga ang ibinigay ng bagua kay Lily kaya siya mayaman sa kuwento ng Feng Shui 2 dahil sa pagiging gahaman at naniniwala siyang may kayamanang nakatago sa bakuran ng bahay niya kaya hinukay niya ito nang hinukay. Kahit papalapit na sa kanya si Lotus Feet at ang kapatid nito ay hindi pa rin siya makapagpigil sa dami ng mga gintong nahuhukay na naging sanhi rin ng kamatayan niya dahil ang huling nahukay niya ay kable na pala ng kuryente. Ending, minalas din siya.

Hindi na namin ikukuwento ang iba pang mga nakakatakot at nakakatuwang mga nangyari sa istorya ng movie para walang spoiler dahil sigurado kami na magtatagal pa ito sa mga sinehan.

Pagkalipas ng sampung taon ay maganda at maayos pa rin ang pagkakadirek ni Chito Roño, consistent pa rin ang pananakot at mga nakakagulat pero nakakatawang mga eksena kaya naman walang humpay ang tilian at hagalpakan sa loob ng sinehan.

Tama si Bossing DMB, master storyteller si Direk Chito Roño dahil napagsasama niya ang horror at comedy sa timplang kanyangkanya lang talaga. Hitik na hitik sa katatakutan at katatawanan ang Feng Shui na naikonekta na rin sa Internet. Huwag kayong aalis kapag nag-credit na dahil doon ninyo malalaman.

Pagkatapos ng palabas, sabaysabay nagtayuan ang isang hilera ng kabataan at sabay sabing, “We survived Feng Shui.”

‘Kaloka, ha? May extra challenge pala ang mga bagets sa pelikulang ito!