PINANGUNAHAN ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang pagbubukas ng isang linggong 3-D video mapping projection skit, ang pre-event activity ng “Sulong Manila 2015 Countdown,” sa Rajah Sulayman Plaza sa Maynila, nitong Biyernes, December 26.

Magliliwanag at magiging makulay ang Kapaskuhan at kapaligiran ng mga taga-Maynila hanggang December 30 sa pamamagitan ng gabi-gabing palabas na maghahatid ng kakaibang mensahe ng isang pamilya tungkol sa Pasko.

Isang proyekto ng Mare Foundation, sa pangunguna ni dating Senador Loi Ejercito,ang “Sulong Manila 2015 Countdown” ang kauna-unahan at pinakamalaking 3-D video mapping pyro/laser light musical sa bansa na idaraos naman sa Ramon Magsaysay Building sa Roxas Boulevard sa bisperas ng Bagong Taon, December 31.

Isang malaking pasabog ang masasaksihan sa mismong gabi ng “Sulong Manila 2015 Countdown” dahil bukod sa 3-D video mapping, sasabayan pa ito ng ilang barges ng iba’t ibang klase ng makukulay at pabolosong fireworks display sa kalawakan ng Manila Bay.

Sen. Kiko, tinutulan visa-free policy sa mga Chinese national

Si Mayor Erap mismo ang pipindot ng plunger na sisimbolo sa pagsisimula ng engrandeng selebrasyon na inihahalintulad sa world-class New Year Countdown ng Times Square sa New York, The Eye sa London at marami pang iba.

Bukod kay Mayor Erap, marami ring sorpresang naghihintay sa mga taga-Maynila, kabilang na ang pagdalo ng ilan sa mga sikat na celebrity.

Ang “Sulong Manila 2015 Countdown” ay sponsored ng ICTSI, Manila North Harbor, Smart Communications at Emperador Light . Ang mga beneficiary ng proyekto ay ang Missionaries of Charity Home of Joy for the Sick Children at Missionaries of Charity Home for the Abandoned Elderly.