PAGKATAPOS ng MMFF awards night (na gananap na kagabi), hinuhulaang aangat sa takilya ang Magnum Muslim .357, remake ng classic film ng Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe, Jr. na ginampanan ngayon ni ER Ejercito.
Pero bago pa man ginanap ang awards night ng filmfest ay malaki na ang pasasalamat ni ER sa mga taong sumuporta para mabuo ang kanyang pelikula.
“Ako po ay nagpapasalamat sa mga kapatid natin na Muslim dahil for the first time after 28 years nakapag-shooting po ang isang pelikula sa loob ng Golden Mosque kaya salamat kay Allah. Isa kasi ito sa pinaka-blockbuster na pelikula ng aking ninong sa kasal na si Fernando Poe, Jr. at ito ang aking pagbibigay-pugay sa mga kapatid na Muslim at ipinapakita dito ang kultura, kagandahan ng loob at katapangan ng isang Muslim,” bungad ng dating Laguna governor.
Pinatunayan ni ER na mali ang intriga sa pelikula niya.
Sabi’y underdog ang kanyang pelikula dahil sa simula pa’y iniintriga na ito. May kumalat kasing intriga na umatras ito sa MMFF dahil hindi umabot sa deadline.
“Intriga lang ang usapin na hindi aabot ang pelikula naming marami lang talaga ang mababait na gumagawa ng ganyan na kuwento. I was getting Sam Pinto noon pa sa mga pelikula na ginagawa namin pero sobra siyang busy kaya masaya ako na nagsama kami sa project na ito. Ibang-iba siya dito, hindi siya sexy dito, balot na balot siya dito.”
Nawala man sa posisyon ang aktor-pulitiko, tinanggap niya itong maluwag sa loob at naging positibo ang pananaw sa lahat ng mga nangyayari sa kanyang buhay.
“Blessing siguro na pinagpahinga ako ng Diyos sa public service sa nine years na mayor at four years na governor, mas nakapag-focus ako ngayon sa pamilya at sa pelikulang ito. Pareho pa rin naman ang buhay ko, mayor pa rin ng Pagsanjan, Laguna ang wife ko, si Mayor Maita Ejercito na kasama rin sa pelikulang ito, tumutulong ako sa Pagsanjan at umiikot pa rin sa probinsiya ng Laguna kapag may pagkakataon,” sabi pa ni ER.