Nang magbayad ako ng Meralco bill sa loob ng isang mall, nakita ko sa isang display ang bestidang suot ng mannequin. Pagkaganda-gandang bestida! Inilarawan ko ang aking sarili na suot iyon at nagpaikut-ikot at nagpakendeng-kendeng sa buong gusali ng Manila Bulletin hanggang sa magarang kantina nito at nakikita kong humahanga ang lahat ng makakita sa suot ko. Sinuri ko ang presyo ng naturang bestida at halos lumuwa ang aking mga mata sa sobrang mahal! Sa puntong iyon, binalak ko na mag-ipon: Hindi muna ako magpapa-manicure at pedicure.

Hindi muna ako sasama sa mga amiga ko sa galaan. Magtitipid ako ng kuryente at tubig. Iiwasan ko muna ang imported chocolates. Kukuwentuhan ko na lang ang aking dalagita sa halip na magsine kami. Handa akong pigain ang aking esposo para sa extra cash. Handa rin akong magtrabaho ng todo-todo mabili ko lang ang bestidang iyon!

Ikaw ba nakaranas na rin ng ganoon? Na may nakita kang isang magandang bagay at handa kang magtrabaho at mag-ipon para roon?

Paano kung ang talagang gusto mo ay maging maayos ang relasyon mo sa Diyos? Mag-iipon ka ba ang mabubuting gawa, sapat na kabutihan sa kapwa, at handang magtiis upang makamit ang pagpapala ng Maykapal? Hindi po. Hindi tinatanggap ng Diyos ang mga tao na nag-aakalang mayroong silang espirituwal na salapi upang mabili ang Kanyang pagpapala. Sa totoo lang, sinabi Niya na tinatanggap lamang Niya yaong umaamin na talagang wala silang maibibigay sa Diyos. “Mapalad ang mga dukha sa espiritu,” sabi ni Jesus. Hindi niya tinutukoy ang mga tao na mahirap pa sa daga o walang pera kundi yaong dukha sa espiritu.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kapag nabatid nating wala tayong maibibigay sa Diyos upang makamit ang kanyang pagpapala – walang koneksiyon sa pamilya, walang maisasakripisyo, ni wala ring natural na kakayahan na ibigin Siya – sa puntong iyon lamang tayo nasa posisyon na tumanggap ng mga nais ibigay sa atin ng Diyos. Ibibigay Niya sa atin ang LAHAT ng gusto Niyang ibigay – kapag lumapit tayo sa Kanya nang walang padrino, walang laman ang bulsa, walang accomplishment report, walang maiaalay.