GERONA, Tarlac - Isang dalaga ang nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng katawan matapos pagtatagain ng jungle bolo ng kanyang kabarangay sa Salapungan, Gerona, Tarlac, noong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni PO2 Artem Balagtas ang biktimang si Marjorie Cudal, 42, habang ang suspek naman ay si Raul Nieba, 33, binata, kapwa residente ng nasabing barangay.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nangyari ang pananaga dakong 10:00 ng gabi.
Nasa loob ng bahay si Cudal nang mapalabas dahil sa walang tigil na pagkahol ng aso hanggang sundan siya ng suspek at pagtatagain ng jungle bolo sa hindi malamang dahilan.
Naaresto naman si Nieba sa follow-up investigation ng pulisya at kakasuhan ng frustrated homicide.