AS co-star at co-producer ni Kris Aquino sa Feng Shui 2, thankful si Coco Martin na ginawa niya ang nasabing horror film.
As of December 26, nasa top 2 pa rin ang kanilang movie at ibig sabihi’y tagumpay ang pakikibakas niya with Kris at Direk Chito Rono. Tumatabo ito ng milyun- milyon ngayon sa takilya.
Pero sinabi ni Coco na noong pinakasimula ay nagdalawang-isip siya kung tatanggapin ang offer ni Kris na makasama siya sa sequel ng Feng Shui. Pinanood muna niya uli angFeng Shui 1 bago siya nagkainteres na sumabak sa horror film.
“Sabi ko nga kinapalan ko na ‘yung mukha ko, kinausap ko na si Ate Kris kasi no’ng pinanood ko ‘yung Feng Shui 1 dati honestly sinabi ko, ‘Paano naging horror ‘to? Ang liwanag, glossy, makulay, di ba, kadalasan ‘pag horror madilim? Sine-set up pa lang nakakatakot na?’ ‘Tapos pinanood ko mag-isa lang sa bahay, habang nanonood ako biglang natakot na ako. Sabi ko, ‘Hindi ko kaya panoorin ng mag-isa sa bahay’,” kuwento ni Coco.
“And after that hindi ko siya makalimutan. Kaya no’ng dumating ‘yung time na nagkita kami ni Ate Kris na nagpro-promo kami ng movie namin ni Sarah (Geronimo) kinausap ko siya, ‘Ate Kris gawin natin ‘yung Feng Shuikasi...’ sabi ko ‘gustung-gusto ko siya gawin.’ Sabi niya sige sabihin natin kay Direk Chito (Roño). Sabi ko, ‘Sige, Ate Kris pagtulung-tulungan natin’. After no’n nagtuluy-tuloy na.”
Pero simula nang mapanood niya ang unangFeng Shui, pinangarap na niyang makasama sa ganitong movie.
“Parang blessing na isa sa mga pangarap ko bilang isang artista na magawa naisakatuparan dahil ‘yun nga nagawa ‘yung movie na Feng Shui 2.”
Alam niya ang kalidad ng trabaho ni Direk Chito kaya gusto niyang makatrabaho ang award-winning direktor.
“‘Yun nga, pangalawa nandito si Direk Chito, gustung-gusto ko talaga siya makatrabaho, siyempre bawat artista gusto mong makatrabaho ‘yong alam mong magagaling na direktor.
“’Yun, sabi ko if ever ‘yung expectation ire-ready ko na ‘yung sarili ko. First time ko siguro makakatikim ng talak dahil siyempre Direk Chito ‘yan, parang isa sa mga institusyon na direktor na alam mo mahusay. Sabi ko nga kahit hindi ako kinukunan nando’n lang ako nanonood ako kung paano siya magdirek. Hindi lang importante ang mga artista may chemistry, dapat ang artista at direktor may chemistry din para alam n’yo kung ano ‘yung pupuntahan n’yo,” kuwento pa ng mahusay na aktor.