SAGADA, Mt. Province – Umaasa ang mga residente, mga negosyante at mga lokal na opisyal dito sa patuloy na pagdagsa ng turista, partikular sa mahabang holiday vacation, dahil sa napagkasunduang ceasefire ng militar at ng New Peoples’ Army (NPA).
Sa isang panayam sa telepono, sinabi ni Robert Pangod, tourism officer ng Sagada, na makikinabang ang kanilang bayan sa tigil-putukan na idineklara nitong Disyembre 18 dahil hindi na mangangamba sa kaguluhan ang mga turistang nagpaplanong bumisita sa lugar.
Sinabi ni Pangod na nakapagtala ang mga inn, hotel at home stay sa Sagada ng booking para sa may 5,000 dayuhan at lokal na turista na magbabakasyon para sa Pasko at Bagong Taon.
Taun-taon, aniya, ay nagdaraos ang pamahalaang bayan at ang mga negosyante ng Bonfire Festival tuwing Disyembre 27-28 para sa mga turista.
Matatandaang sa huling bahagi ng 2013 ay may 2,000 dayuhan ang nagkansela ng kani-kanilang booking kasunod ng engkuwentro ng militar at NPA sa bulubunduking bahagi ng Sagada. - Rizaldy Comanda