TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Patay ang isang magama at sugatan ang apat nilang kapamilya matapos salpukin ng isang humahataw na van ang kanilang sinasakyang tricycle sa Barangay Villa Magat, San Mateo, Isabela kamakalawa.
Kinilala ni Senior Insp. Romeo Pillos Jr., hepe ng San Mateo Police, ang mga nasawi na sina Marcos Ilardo, 44; at anak nitong si Michelle, apat na taong gulang. Ang limang sugatang biktima ay sina Marcela Ilardo, 40, asawa ni Marcos; at mga anak na sina Manuel, 21; Mark Paul, 10; Maricar, 12; at Marcial, anim na taong gulang.
Ang pitong biktima ay lulan ng tricycle na minamaneho ni Marcos nang biglang nahagip ng van na minamaneho ng isang Ryan Paul Manuel habang umo-overtake ito sa kabilang direksiyon ng kalsada.
Sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon ang pamilya Ilardo sa iba’t ibang direksiyon makaraang sumirko ang sinasakyan nilang tricycle.
Agad namang inaresto ng pulisya ang driver ng van habang iniimbestigahan ang insidente.