Isang malaking sawa ang natagpuan sa isang puno ng mangga sa bisinidad ng Camp Crame, Quezon City na ikinagulat ng mga residente kahapon ng umaga.
Dakong 4:30 ng umaga nang mamataan ng isang pulis ang sawa na gumagapang sa isang puno ng mangga ilang metro lamang ang layo sa kontrobersiyal na “White House,” ang opisyal na tahanan ng hepe ng Philippine National Police (PNP), sa loob ng kampo.
Tinatayang lima hanggang walong talampakan at may ga-brasong taba ang nasa 15-kilong bigat na sawa.
Agad namang nakaresponde ang ilang naka-duty na tauhan ng PNP at mabilis na nahuli ang sawa gamit ang manlifter para maiakyat sa puno ang taong kukuha ng sawa. Kinalaunan ay inilipat ang sawa sa pangangalaga ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Parks and Wildlife Center.
Ayon sa mga kawani ng DENR, maaaring nagutom ang sawa kaya lumabas ito sa lungga.