Laro ngayon: (MOA Arena)
7 p.m. Rain or Shine vs. Alaska
Makuha ng pinakamahalagang bentaheng ikatlong panalo ang siyang magiging tema ngayong gabi sa pagtutuos ng Rain or Shine at Alaska sa Game Five ng kanilang best-of-seven semifinals series sa PBA Philippine Cup sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Naibaba ang serye sa best-of-three makaraang ibaba ipatas ng Elasto Painters sa 2-2 ang laro sa araw ng Pasko, 98-91, sa isang napakaemosyonal na laro.
Naging malaking tulong para sa Rain or Shine upang tumabla sa serye ang pagkawala sa hanay ni Alaska big man Sonny Thoss, may 4 minuto pa ang nalalabi sa laro na sinundan pa ng naging ejection ni Calvin Abueva, may 1:43 pa ang nalalabi sa orasan, may tatlo na lamang ang kalamangan ng Rain or Shine, 92-89, makaraan niyang suntukin sa tiyan ang rookie na si Jonathan Uyloan.
Ngunit ayon kay coach Yeng Guiao, hindi sila puwedeng umasa na lamang lalo pa at may ganoong pangyayari sa mga susunod na laban upang muling makatulong para makamit nila ang tagumpay.
“We were helped a lot by that stupid move of Calvin Abueva. Nakatulong ‘yun,” ani Guiao. “But we can’t rely on him making some more stupid moves in the future. We have to do it on our own.”
Bunga sa naganap na mga pangyayari sa Game Four at dahil na rin sa kahalagahan ng nakataya ngayong laban, mismong si Guiao ang nagdeklara na pinaka-krusyal ang Game Five para sa dalawang koponan dahil ito ang maglalapit sa sinuman sa kanila sa asam na pagpasok sa finals.
“It becomes 2-out-of-3 now, so Game 5 becomes the most crucial game right now for both teams,” ayon kay Guiao.
Samantala, sa panig naman ng Aces, bagamat hindi na nagbigay ng anumang komento sa mga pangyayari, nakita naman sa kanyang mga kilos na pinagsisisihan ni Abueva ang kanyang pagpapadala sa kanyang emosyon.
Katunayan, sa simpleng sagot na ibinigay nito sa post game interview, mararamdaman ang kanyang intensiyon upang makabawi sa susunod na laban para sa kanyang koponan.
“No comment ako doon,” ani Abueva sa insidente ng kanyang pagkaka thrownout.
“Let’s just play,” dagdag pa nito.
Bunga nito, inaasahan na mas magiging mataas ang tensiyon sa pagitan ng dalawang koponan lalo pa at patas na muli ang laban at muli silang mag-uunahan para umagwat na magsisilbi namang pinakaimportanteng bentahe na kanilang makukuha sa serye.