Ipinagpapaliwanag ng Philippine National Police (PNP) si Guimaras Rep. Joaquin Carlos Nava kung paano napuntal sa isang convicted drug lord sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ang isang baril na nakarehistro sa kanya.
Sinabi ni Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP, na pinadalhan na pinagpapaliwanag na rin ang iba pang gun owner na nadiskubreng nasa pangangalaga ng mga preso sa NBP matapos magsagawa ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pasilidad kamakailan.
“Pinadalhan ha siya (Nava) ng liham upang pormal na hilingin ang kanyang paliwanag kung paano ito nangyari,” pahayag ni Mayor tungkol sa liham na inihanda ni Firearms and Explosives Office head Chief Supt. Virgilio Lazo.
Tinukoy ni Mayor ang .22 Walther pistol na nakarehistro kay Nava subalit nadiskubre sa pangangalaga ni convicted drug lord Peter Co sa loob ng NBP Maximum Security Compound.
Una nang humingi ng tulong ang NBI sa PNP upang matukoy ang may-ari ng mga nasamsam na armas sa loob ng bilibid compound kung saan ilan sa mga ito ay pagaari ng mga pulitiko.
Lumitaw naman sa ibang balita na itinatanggi ni Nava na may kaugnayan siya kay Co at ang baril na natagpuan sa NBP ay kanyang naiwan sa isang firearms shop sa Makati City.
Sinabi ni Mayor na ipatatawag din ng FEO ang may-ari ng gun store upang magbigay ng paliwanag sa pahayag ni Nava. - Aaron Recuenco