Agad magbabalik sa pagsasanay, matapos ang mahabang bakasyon, ang national athletes sa unang linggo ng Enero bilang paghahanda sa paglahok sa 28th Southeast Asian Games na gaganapin sa Hulyo 5 hanggang 16 sa Singapore.

Sinabi ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richie Garcia na maagang sisimulan ang pagpapadala ng mahigit na 200 atleta sa iba’t ibang pasilidad sa bansa sa asam na rin ng Philippine Olympic Committee (POC) na makaahon sa pinakamasamang kampanya sa internasyonal na torneo.

Plano ng POC na tumutok ang mga atleta sa kanilang mga pinagsasanayang pasilidad na tulad sa Philsports compound sa Pasig City, Rizal Memorial Sports Complex sa Manila at Teachers Camp sa Baguio City upang simulan ang kanilang paghahanda sa kada dalawang taon torneo na gagawin sa Lion City.

Sinabi ni Garcia na bibigyan ng prayoridad ang mga potensiyal na manlalaro na makakapagwagi ng gintong medalya sa pagsisimula ng training camps sa Enero.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ilan sa pinag-iisipan ng ahensiya ang kahilingan ng ilang national sports associations (NSA’s) na makakuha ng sariling foreign coach, maliban pa sa pagtatalaga ng mga eksperto sa sports science upang maobserbahan ang bawat aktibidad at pagsasanay ng pambansang atleta.

Mahigit na 150 atleta ang kayang manirahan sa dormitoryo na nasa Philsports habang maaring manatili ang iba sa Rizal Memorial. Gayundin sa Baguio City para naman sa high-altitude training.

Matatandaan na huling tumapos sa ikapitong puwesto ang bansa na pinakamababang pagtatapos sapul ng sumali sa kada dalawang taong torneo. Kabuuang 402 gintong medalya ang paglalabanan sa Singapore SEA Games na mula sa itinakdang 36 sports.

Isinumite ng SEA Games Task Force, sa pangunguna ni Chief of Mission Julian Camacho, ang kabuuang 800 bilang ng mga atleta kung saan ay inaasahang bababa ito sa mapipiling 500 isasabak sa torneo.