Matagumpay ang kampanya ng Northern Police District (NPD) na mabawasan o mapigilan ang krimen nitong Pasko, pero nananatili pa ring naka-full alert status ang Northern Metro area, lalo at papalapit na ang selebrasyon para sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay NPD Director Chief Supt. Jonathan Miano, kakaunti ang naitalang krimen sa apat na istasyon ng pulisya sa Caloocan-Malabon-Navotas at Valenzuela (Camanava) area, pero hindi pa rin sila kampante.
Nananatiling naka-alerto ang mga himpilan ng pulisya ng nabanggit na mga lungsod, lalo at malapit na ang Disyembre 31.
Nakatutok ang NPD sa Bagong Silang sa Caloocan City, na madalas ang insidente ng tinatamaan ng ligaw na bala tuwing bisperas ng Bagong Taon. Magugunita na naging kontrobersiyal ang 11-anyos na batang babae na si Nicole na nasawi matapos tamaan ng ligaw na bala noong December 31, 2012.
Mahigtpit din ang pakiusap ni Miano sa mga sibilyan, lalo na sa mga pulis, na huwag magpaputok ng baril sa Bagong Taon.
Sinabi niya na tututok ang foot at mobile patrols ng NPD sa matataong lugar.