HINDI pa man humuhupa ang nakapapasong pagkondena ni Pope Francis sa sinasabing tsismisan at plastikan sa Vatican, isa na namang matinding pagbatikos ang kanyang binigyang-tinig hinggil naman sa sinasabing ‘brutal persecution’ na naghahari sa Pakistan. Kaugnay ito ng paglusob ng mga manghihimagsik ng Islamic State na ikinamatay ng 130 mag-aaral sa naturang bansa. Nanawagan ang Papa na huwag ipagwalang-bahala ang pagdurusa ng marami sa daigdig.

Subalit higit na nakagimbal na isyu ang tungkol sa mga nabulgar na pagmamalabis sa Curia sa Vatican. Ang naturang Curia ang central administration ng Holy See na namamahala sa 1.2 bilyong Katoliko. Ito ay pinakikilos ng mga cardinal, obispo at mga pari.

Walang pangingimi na binatikos ni Pope Francis ang naturang mga lider ng Curia na sinasabing gumamit ng kapangyarihan upang magkamal ng salapi, nagkaroon ng mapagkunwaring pamumuhay at nakalimot na sila ay dapat mga masayahing nilalang ng Diyos.

Kabilang ako sa mga nadismaya sa pagbubulgar ng ating Pope. Isipin na lamang na ang Curia ay binubuo ng mga alagad ng Diyos na kinikilala bilang mga tapat, banal at itinuturing na instrumento ng ating Panginoon sa pagpapalaganap ng Kanyang mga aral. Hindi ba nakapagtataka na sila pa ang nagbibigay ng nakaririmarim na impresyon sa Simbahang Katoliko?

National

32 katao naitalang naputukan; FWRI cases sa bansa, pumalo na sa 101!

Ang Curia ay walang pinag-iba sa mga central government sa mga bansa sa daigdig. Binubuo naman ito ng mga hinirang at inihalal ng lingkod ng bayan na inaasahan nating makapagbubunsod ng mga pagbabago sa lipunan. Subalit isang malaking kabaligtaran na may pagkakataon na ang naturang mga opisyal ang sila pang nangunguna sa iba’t ibang alingasngas, pagsasamantala sa kaban ng bayan at sa pag-aagawan ng kapangyarihan sa kasiraan ng kanilang kapwa at sa mismong mga kapamilya.

Kaugnay ng mga pagbatikos ni Pope Francis sa Curia, hindi kaya dapat ding itanong: Naghahari rin kaya ang pagmamalabis, pagpapayabangan, pagsisiraan at tsismis sa ating mga organisasyong Katoliko?