Pinuri kahapon ng Malacañang ang mataas na kumpiyansa ng mga Pilipino na magiging mas mabuti ang susunod na taon, batay sa resulta ng December 2014 Social Weather Stations (SWS) survey na nagsasabing 93 porsiyento ng mga Pinoy ang buong-buo ang pag-asa sa papasok na 2015.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na positibo ang mga Pinoy sa pagsalubong sa susunod na taon sa kabila ng mga pagsubok na hinarap ng bansa ngayong 2014, kabilang ang pananalasa ng bagyong ‘Ruby’ sa ilan sa mga lugar na matinding naapektuhan sa pananalasa ng bagyong ‘Yolanda’ noong nakaraang taon.
“Ang pag-asa at pagiging positibo ay likas nang katangian ng mga Pilipino, na base na rin sa kasaysayan, ay hindi kailanman nagpatangay sa negativity, o sumuko sa anumang pagsubok,” ayon kay Lacierda.
“Mismong ang administrasyong Aquino ang nakasaksi rito: tayo ay may gobyernong inspirado sa paniniwala ng ating mamamayan na mababago ang Pilipinas; na kayang ireporma ng mabuting pamumuno ang kultura ng korusiyon,” dagdag pa niya.
Sinab ni Lacierda na ipagpapatuloy ng administrasyong Aquino ang pagpapatupad ng mga reporma, gaya ng ipinupursige ng gobyerno sa nakalipas na apat at kalahating taon.
“Sa paraan ito ay matitiyak natin ang pagbabago: may isang gobyernong determinadong bigyang katuparan ang inaasam ng mamamayan nito, at mga Pilipinong determinadong gawin ang kani-kanilang tungkulin sa nation-building,” ani Lacierda.
Ayon sa resulta ng Fourth Quarter SWS survey na isinagawa noong Nobyembre 27 hanggang Disyembre 1, 2014, siyam sa bawat 10 Pinoy ang sasalubungin ang 2015 nang punumpuno ng pag-asa, sa halip na pangamba.