SA unang araw sa takilya ay tumabo na ng mahigit P147 milyon ang mga pelikulang kalahok sa 2014 Metro Manila Film Festival (MMFF).

Lumitaw na mas malaki ito ng 15 porsiyento kumpara sa kinita ng 2013 MMFF sa unang araw na nakapagtala lamang ng P128 milyon.

Tiwala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na lalagpas sa P1 bilyon ang kikitain ng MMFF hanggang sa Enero 2015.

Matindi ang labanan sa unang puwesto sa box office race ng The Amazing Praybeyt Benjamin na pinagbibidahan ni Vice Ganda kasama sina James “Bimby” Yap at Richard Yap at ang My Big Bossings nina Vic Sotto at Ryzza Mae Dizon.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sumunod sa pinipilahan ngayon ng moviegoers ang Feng Shui 2 nina Kris Aquino at Coco Martin.

Bukod dito, marami rin ang nanonood ng Bonifacio: Ang Unang Pangulo, English Only, Please, Magnum Muslim .357, at Shake, Rattle and Roll XV.

Itinakda naman ngayong Sabado, Disyembre 27, ang awards night sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.

Kabilang sa mga napiling hurado ang isang driver ng pampasaherong jeep, isang public school teacher, isang housewife at isang estudyante.