Islamabad (AFP)– Nangako ang British boxer na si Amir Khan kamakailan na tutulong siya sa muling pagtatayo ng isang paaralang Pakistani kung saan 150 ang napaslang ng Taliban sa pinakamadugong terror attack sa bansa.
Si Khan, na may lahing Pakistani, ay nagbiyahe sa bansa upang magpakita ng pakikipag-isa sa mga biktima at kanilang pamilya.
“What has taken place in Peshawar is absolutely horrific and sickening,” pahayag ng WBC welterweight champion sa isang news conference sa Islamabad. “After recently becoming a father myself, I can’t imagine how the families of these innocent children are feeling.”
Isang grupo ng armadong Pakistani Taliban gunmen ang sumugod sa army-run na paaralan sa Peshawar noong nakaraang linggo, pinaslang ang 150 katao kabilang ang 134 bata.
Ginulat ang buong mundo ng nasabing pag-atake at nangako ang 28-anyos na si Khan na gagawin ang anumang makakaya niya upang makatulong.
“I am willing to offer my help to the government of Pakistan and all the stakeholders, any help from my side, to rebuild the damaged school and to help the fight against terrorism,” giit niya.
Sinabi niyang magtatayo siya ng Amir Khan academy para sa kabataan sa ilang piling siyudad sa Pakistan. Sa pamamagitan ng kanyang foundation, susuportahan niya ang mga batang Pakistani sa sektor ng kalusugan at edukasyon.
Noong isang linggo, nagsabi si Khan na plano niyang magsubasta ng $45,000 pares ng shorts upang makakalap ng pondo para makatulong sa muling pagpapatayo ng paaralan.
Sinuot ni Khan ang shorts, na ang waistband ay gawa mula sa 24-carat gold threading, sa kanyang matagumpay na WBC title defense laban kay Devon Alexander sa Las Vegas noong nakaraang buwan.