ANG Conditional Cash Transfer (CCT) program, na kilala rin sa tawag na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ay maaaring magkaproblema.

Heto ang isang ahensiya ng gobyerno, ang DSWD, na may regular na katuwang na mga opisyal at mga kawani na umaayuda sa mga biktima ng bawat bagyo, bawat lindol at pagsabog ng bulkan, bawat sunog, baha, at pagguho ng lupa sa bansang ito na laging nakaharap sa kalamidad. Dagdag pa sa mabigat na pasaning ito, binigyan ito ng tungkuling magpatupad ng CCT program na may budget na lumalaki bawat taon.

Sa nakaraang administrasyon, may budget ang CCT program na P10 bilyon. Sa ilalim ng administrasyong Aquino, lumalawak ang CCT taun-taon, kaya lumobo ang budget nito sa P62 bilyon para sa 2015. Upang maipatupad ito, kailangang gumamit ang DSWD ng mahigit 20 porsiyento ng CCT budget sa mga operasyon—pag-empleyo ng mga bagong kawani at pakikipag-ugnay sa iba pang mga ahensiya at organisasyon—sa trabaho nitong ipamahagi ang bilyun-bilyon sa mga benepisyaryo ng CCT.

Natuklasan ngayon ng Commission on Audit (COA) ang marami-raming iregularidad sa CCT program, kabilang ang:

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

- Pamamahagi ng DSWD ng mahigit P1.08 bilyon sa 364,636 benepisyaryo na hindi nakalista sa CCT data base—ang National Household Targeting System for Poverty Reduction.

- P2.46 bilyon ang natuklasang iginawad sa hindi karapat-dapat na mga benepisyaryo pati na rin ang unclaimed grants. Ang mga pondong ito ay dapat na i-refund ng Land Bank of the Philippines (LBP), isa sa mga padaluyan nito, ngunit hindi naman naidokumento nang kumpleto ang mga refund.

- P1.567 bilyon ang napunta sa may kabuuang 428 benepisyaryo na lumalabas na mga kawani ng gobyerno, barangay officials, overseas Filipino workers, at mga miyembro ng mga may-kayang pamilya.

- P168.12 milyon ang ibinigay sa 21,117 benepisyaryong hindi maralita.

- P46.5 milyon ang ibinigay bilang “double payments” sa 4,320 benepisyaryo na dalawang beses lumitaw ang mga pangalan sa listahan ng CCT.

- P10.626 bilyon na idineposito ng DSWD sa mga sangay ng LBP sa buong bansa ang nananatiling unclaimed ng mga benepisyaryong nakalista, na hindi naiulat ng DSWD project officers ang mga kabiguan ng mga benepisyaryo na i-claim ang kanilang grants.

Dalawang kongresista ng party-list—sina Rep. Jonathan De la Cruz ng Abakada at Rep. Luz Ilagan ng Gabriela—ang nanawagan sa pagbibitiw ni DSWD Secretary Corazon “Dinky” Soliman ngunit sinabi ng COA na hindi nila ipinapasya na ang pondo ay hindi nagamit nang tama, mali ang pinaglaanan, o nilustay ng mga opisyal ng DSWD. Gayunman, waring halata na malaki ang nawawalang pondo ng bayan dahil sa kawalan ng kakayahan.

Naroon din ang mahalagang kuwestiyon sa paggamit ng bilyun-bilyon para sa isang dole-out program na humihimok ng pagpapakalinga sa ayuda ng gobyerno. Maaaring bigyan ng katarungan ang isang programa ng ayuda sa mga biktima ng kalamidad ngunit ang regular na pamumudmod ng bilyun-bilyong salapi sa libu-libong pamilya ay maaaring hindi para sa kapakanan ng sambayanan.