ABUT-ABOT ang panalangin ni Ronnie Liang na sana ay makahabol siya sa nakaraang 40th Metro Manila Film Festival Parade of the Stars dahil delayed ang flight niya ng pitong oras pabalik ng Maynila galing ng Leyte. Nagkaroon siya ng show for a cause roon, para sa pagpapatayo ng school buildings at gift giving para mapasaya ang mga nasalanta ng Yolanda noong nakaraang taon at bagyong Ruby nitong Disyembre.
“Our God-given talent are meant to benefit others,” post ni Ronnie sa kanyang Facebook account.
At ang hiling ni Ronnie para sa 2015: “Better career, more projects, a healthy body. And sana wala nang masyadong bagyong tumama dito sa Pilipinas.”
Samantala, nakahabol naman sa MMFF event si Ronnie at muling napatunayan na paborito pa rin siya ng music lovers. Ang kuwento kasi ng ilang katoto na kumober sa okasyon, habang kumakanta si Ronnie ng hit single niyang Ngiti ay salita nang salita si Kuya Germs dahil nagsisigawan ang mga tao sa sobrang tuwa.
Pagkatapos kumanta ni Ronnie, tinawag ulit siya ni Kuya Germs at sinabihang lapitan ang mga tao sa ibaba ng stage dahil ang layo at wala pang artista na bumababa para kamayan ang mga nanonood.
Sa bahay nila sa Angeles nagdiwang ng Pasko si Ronnie kasama ang buong pamilya lalo’t kamakailan lang ay naospital ang kanyang ina dahil sa maling diagnose ng doktor.
Abala pa rin si Ronnie sa promo ng kanyang album na Songs of Love mula sa Universal Records at masaya ring ibinalita ng singer/actor na mapapanood na sa Enero nationwide sa piling sinehan ang indie film niyang Esoterika Maynila mula sa direksiyon ni Elwood Perez.