Pinalagan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagbasura ng Quezon City Prosecutors Office sa reklamong kriminal na inihain ng BIR laban sa bilyonaryong negosyante na si Lance Gokongwei dahil sa pagtanggi nitong buksan ang book of accounts ng isa sa kanyang mga kumpanya.

Sinabi ni BIR Commissioner Kim S. Jacinto-Henares ang kanyang legal staff na magsumite ng motion for reconsideration upang mabuksan muli ang kaso.

“We will continue refiling MR as this is allowed by law until it reaches the court for trial and deliberation,” pahayag ni Henares.

Ibinasura ni Assistant Quezon City Prosecutor Oliver Almonte ang kasong paglabag sa Section 266 ng Tax Code (Failure to Produce Accounting Records) laban kay Gokongwei noong Nobyembre 26.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nag-ugat ang kaso sa umano’y pagtanggi ni Gokongwei na pabuksan ang libro ng Universal Robina Corporation na nakabase sa Pasig City kung saan siya ang tumatayong president at chief operating officer ng kumpanya.

Unang tinangka ng BIR-Large Taxpayers Service na isailalim sa audit ang financial statement ng Universal Robina mula Oktubre 1, 2009 hanggang Setyembre 30, 2010.

Iginiit din ni Almonte na hindi rin napagtibay ng BIR na natanggap ni Gokongwei ang summon (subpoena duces tecum) bilang requirement sa ilalim ng Revenue Memorandum Order No. 88-2010.

Posibleng patawan ng multang P5,000 hanggang P10,000 at pagkakakulong hanggang dalawang taon sa hindi tutugon sa BIR subpoena sa ilalim ng Section 266 o Tax Code. - Jun Ramirez