Dumipensa si Secretary Dinky Soliman ng Department of Social welfare and Development (DSWD) sa naging findings ng Commission on Audit (CoA) na nagsasabing kuwestiyunable ang ilang benepisaryo ng naturang ahensya.
Sinabi ni Soliman na matagal na nilang naipaliwanag sa publiko ang isyung nakinabang ang mga kaduda-dudang benepisaryo sa programa kahit wala sa orihinal na database ang mga pangalan ng mga ito.
Nauna nang tinukoy ng CoA na nabigyan ang mga ito ng subsidy para sa conditional cash transfer (CCT) ng DSWD.
Binanggit pa ng CoA na nakinabang din sa programa ang mga government employee at overseas Filipino worker (OFW) kahit hindi kuwalipikado ang mga ito.
Ayon sa CoA, ang natuklasan nilang nakalistang doble-dobleng pangalan ay nangangahulugang doble rin ang natanggap nilang cash assistance mula sa programa.