Ni Leslie Ann G. Aquino

Isang imahen ng Immaculate Concepcion, na mula sa Palo Cathedral sa Leyte na nawasak ng malakas na lindol, ang ibibigay bilang regalo kay Pope Francis sa pagbisita nito sa bansa sa susunod na buwan.

May taas na 18 pulgada, ang imahen ng Immaculate Conception ay nilikha ni Willy Layug, isang ecclesiastical artist.

Sa panayam, sinabi ni Layug na sinimulan niyang gawin ang imahe noong Oktubre matapos aprubahan ng Papal Visiting Steering Committee.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“Nasira ang mga poste ng Katedral kaya dinala ang Yakal sa amin matapos ang dalawang linggo. Ito ay mahalaga dahil inukit mula sa mga istrukturang nasira ng ‘Yolanda’ kaya siguradong ito ay magugustuhan ng Papa,” ayon kay Layug.

Isa ang Palo Cathedral sa mga lumang simbahan na nasira sa pananalasa ng Yolanda, na tumama sa maraming lugar sa Eastern Visayas, partikular sa Samar at Leyte, noong Nobyembre 8, 2013.

Hindi naman batid ni Layug kung sino ang mag-aabot ng imahen ng Birheng Maria sa Papa sa pagdating nito sa Leyte.

Ibibigay din kay Pope Francis ang isang imahen ni Sto. Niño na may bitbit na tupa sa kanyang balikat, dagdag ni Layug. Ang naturang imahen ay ibibigay ni Layug at kanyang pamilya kay Pope Francis sa misa sa Quirino Grandstand sa Luneta sa Enero 18.

“At dahil kapistahan ng Sto. Niño sa ikalawang linggo ng Enero, hiniling namin sa Archdiocese of Manila na kami ay payagang magtungo sa Luneta at personal na maibigay ito sa Papa,” ayon kay Layug.