Labing-isa sa 15 painting na nasamsam mula sa iba’t ibang bahay ng Pamilya Marcos noong Setyembre ay napatunayang tunay, ayon sa Presidential Commission on Good Government (PCGG).
Sinabi ni PCGG chairman Andres Bautista na ang mga tunay na painting ay ang mga likha ng French impressionist na si Paule Gobillard habang ang kina Michaelangelo Bounarroti at Pablo Picasso ay mga replica.
“Out of the 15, 11 were authentic. They were artworks of Gobillard, a third-grade French impressionist who died in 1847. Nevertheless, the combined worth of the paintings are estimated to be worth $1 million,” wika ni Bautista.
Ang mga painting ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Bangko Sentral ng Pilipinas ngunit hiniling na ng PCGG sa Sandiganbayan na ilipat ang mga ito sa National Museum para sa mas maayos na pag-iingat. Sinabi ng PCGG na ang mga painting ay masisira kapag nanatili ito sa BSP, maliban kung ililipat ang mga ito sa mas naakmang storage facility gaya ng National Museum na mayroong curatorial facilities.
Sinabi ni Bautista na hindi pa nadedesisyunan ng Sandiganbayan ang kahilingan ng PCGG.
Kinumpiska ng mga sheriff ng Sandiganbayan, kasama ang mga kinatawan ng National Bureau of Investigation, Office of the Solicitor General at ng PCGG ang mga artwork mula sa opisina ni Ilocos Norte Rep. Imelda Romualdez Marcos sa House of Representatives sa Quezon City noong Setyembre 30 kasunod ng paglabas ng Sandiganbayan ng Writ of Attachment laban sa mahahalagang artwork na sinasabi ng gobyerno na bahagi ng mga nakaw na yaman ng pamilya Marcos. - Kris Bayos