Ipinagdiriwang kahapon ng may 1.2 bilyong Katoliko sa buong mundo, kabilang ang Pilipinas, ang Pasko na itinuturing na kapanganakan ni Kristo na anak nina Birheng Maria at karpinterong si San Jose. Siya ang Mesiyas na tumubos sa kasalanan nina Adan at Eba na sumuway sa utos ng Diyos na huwag kainin ang bunga ng isang puno (mansanas nga ba ito?). Gayunman, tinukso ng ahas (demonyo) ang babae at inalok pa si lalaki na kainin ang mansanas na ayon sa demonyo ay “Puno ng Karunungan”.

At doon nagsimula ang pagkakamulat nina Adan at Eba na malaking kasalanan ang kanilang nagawa, na minana natin. Sa kabila ng lahat, sa kabiguan man o tagumpay, nais kong batiin ang lahat ng isang “Maligaya, Malusog at Mapayapang Pasko.” Siyempre pa, advance Happy New Year din sa aking mga kababayan sa Visayas, Mindanao at Luzon, at sana’y maging “Ligtas, Maunlad, at Tahimik ang 2015”.

Si DILG Sec. Mar Roxas ay nasa ilalim pa rin ng preference at trust ratings alinsunod sa surveys ng Pulse Asia at Social Weather Station. Gayunman, si Sen. Grace Poe na anak ni Da King ay patuloy sa pagsikad ang ratings. Gusto ng mga Pinoy na siya ang pumalit kay Pres. Benigno S. Aquino III. Kung sakali, siya ang pangatlong babae na magiging Pangulo ng Pilipinas. Samaktwid, kung si Roxas ay magbibigay-daan uli sa panguluhan sa darating na halalan tulad ng ginawa niya noong 2010 kay PNoy, ang tambalan ay tatawaging GRA -MAR . Samantala, nililigawan ni Vice President Jojo si Sen. Grace na makatambal sa 2016. Samakatwid ang senaryo ay magiging BIN-PO E (parang pamunas ng mukha) ayon sa mga palabiro na mahilig umimbento ng mga salita.

Nakaamba ang posibleng pagtaas ng pasahe sa 2015 sa Manila Rail Transit (MRT -3), Light Rail Transit (LRT -1 at LRT -2) na araw-araw ay nagsasakay ng may 1.2 milyong pasahero. Kailangan daw ito ayon sa gobyerno upang isailalim sa kumpuni o rehabilitasyon ang MRT at LRT na malimit tumirik. Ilang Pangulo na ang humawak ng renda ng pamahalaan sa nakalipas na mga taon. Bakit hindi nila naisip ang konstruksiyon ng mass transit? Bakit ang mga senador at kongresista na nagpapayabangan sa pagtatalumpati sa English at umaangking sila ay “Mga Lingkod ng Bayan” ay hindi nagpatibay ng batas para sa mass transit? O ang mga pondo para rito ay ibinulsa lang nila habang nagsisiksikan at nagkakaamuyan ang mga pasahero sa MRT at LRT ?

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho