CITY OF ILAGAN, Isabela – Hindi na naipagdiwang ng isang barangay tanod ang Pasko kasama ang kanyang pamilya dahil nakakulong siya ngayon makaraang maaresto sa isang buy-bust operation sa Barangay Calamagui 2nd sa Ilagan City.
Kinilala ni Supt. Vicente Valdez, hepe ng Ilagan City Police, ang suspek na si Ferdinand Ellazar, 48, tanod ng Bgy. Calamagui 2nd, Ilagan City.
Ayon sa tanggapan ni Senior Supt. Sotero Ramos Jr., dakong 2:30 ng hapon noong Disyembre 23, 2014 nang nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Ilagan City Police, sa Bgy. Calamagui 2nd na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at pagkakumpiska ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na pinaniniwalaang may shabu, P500 marked money at isang Nokia cell phone. (Liezle Basa Iñigo)