Ni ROY C. MABASA
Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang pinakamaraming undocumented population sa United States kasama ang India, China at Korea.
Ito ay base sa datos ng Immigration Accountability Executive Actions and Their Impact on Asian American Immigrant Communities na ipinalabas ni US President Barrack Obama.
Sinabi sa ulat na 1.3 milyong Asian Americans ay hindi dokumentado na bumubuo ng halos 12 porsiyento ng kabuuang bilang ng undocumented population sa US.
Noong 2012, nakasaad din sa ulat na ang mga indibiduwal mula sa India, China, Pilipinas, South Korea, Japan, Taiwan, Pakistan at Nepal ang bumubuo ng 75 porsiyento ng lahat ng H-1B o mga benepisyaryo ng non-immigrant visa.
Karamihan din sa mga indibiduwal na napapadpad sa US upang makapagtrabaho ay tinutulungan ng kanilang employer upang makakuha ng green card. Noong 2013, halos 102,000 Asian immigrant ang nakakuha ng green card sa pamamagitan ng employment-based immigrant visa petition.
Subalit kailangang maghintay ng mahabang panahon ang mga ito bago sila makapag-adjust sa status kahit pa naaprubahan na ang kanilang aplikasyon dahil hihinitayin pa nilang magkaroon ng immigrant visa.
“During this time, they are limited in their ability to change jobs or accept a promotion,” ayon sa ulat ng White House. “Their spouses also have limited options to apply for work authorization.”
Sa ilalim ng mga immigration action ni Obama, magkakaroon ng mas magandang work flexibility ang mga immigrant na ito. Ang asawa ng isang H-1B holder ay maaaring mabiyayaan ng work authorization kung ang huli ay malapit nang mabigyan ng green card.