Tuwing Christmas season, abala ang aming samahan sa simbahan sa pangangalap ng mga donasyon (cash and in-kind) mula sa malalapit na kaibigan at kapatid sa pananampalataya upang mayroon namang something ang mga batang mula sa maralitang pamilya pagsapit ng araw mismo ng Pasko. Naging panata na ito ng karamihan sa aming samahan at nakagiliwan ko na rin dahil itinuturing ko itong panawagan ng Kalangitan sa akin.
Sa kabila ng mga pagsisikap na makalikom ng malaking halaga upang makabili ng mga gamit pang-eskuwela, hindi maiiwasang mapag-usapan ang mga donasyong pumapasok sa aming maliit na tanggapan ng samahan lalo na kung inire-record na ito sa talaan ng aming treasurer. Nakagugulat din ang mga may maawaing puso na nag-donate ng malaking halaga, mayroon ding maliliit ngunit kapag pinagsama-sama sa maliliit pang cash donation ay malaki na rin. Ang higit na malaki ay ang donasyong sandaang libong piso ng isang kilalang opisyal ng isang malaking korporasyon sa Makati City. Kasi naman, ang opisyal namang ito ang nagpasimula ng proyektong ito. Dahil sa napakalaking donasyong ito, marami ang pumuri sa kanyang kabutihan. Hindi rin naman nakapagtataka kung bakit tuluy-tuloy ang pag-asenso nito. Ibinabahagi niya ang kanyang mga biyaya sa mga walang-wala.
Dito ko rin naisip ang isa pang nagbigay ng malaking donasyon sa buong daigdig. Sa record ng Mabuting Aklat, ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang kaisa-isang bugtong na Anak. Maaari ngang napakalaking halaga ang sandaang libong piso at hindi ito pangkaraniwan para sa isang nagmamagandang loob – at maaari ring napakahirap itong ipunin ng nakararami sa atin, mabigat sa kalooban kung ido-donate lang nang ganoon. Ngunit wala pala itong halaga kumpara sa batang isinilang sa sabsaban at namatay sa Kalbaryo. Walang katapat na halaga ang napakalaking handog ng Diyos sa sangkatauhan. Sa kanyang pagkamangha, pinasalamatan ni San Pablo ang Diyos para sa “Kanyang hindi mailarawang handog”. Inihandog ng Diyos ang Kanyang bugtong na Anak sa isang makasalanang mundo. Sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya, tayo ay pinatawad sa ating mga kasalanan, at binigyan ng buhay na walang hanggan.
Maligayang Pasko sa inyong lahat!