Ang Araw ng Pasko ay isang masayang pista opisyal sa halos lahat ng bansa, gumugunita sa kapanganakan ni Kristo sa isang sabsaban sa Bethlehem, na nakuha ng Belen na palamuti ng karamihan sa mga tahanan sa panahon ng Pasko. Ang unang Belen, itinayo ni St. Francis of Assisi sa Greccio, Italy, noong 1223, ay nagpakita ng sanggol na si Jesus at ang Kanyang mga magulang na sina San Jose at ang Mahal na Birheng Maria, napaliligiran ng mga pastol, ang Kanyang mga unang panauhin, at ang Tatlong Pantas na nagparangal at nagbigay ng mga handog sa Kanya.

Taglay ng Pilipinas ang pinakamahaba at pinakamasayang Pasko, mula sa Simbang Gabi tuwing Disyembre 16 hanggang sa kapistahan ng Epifania sa unang Linggo pagkatapos ng selebrasyon ng Bagong Taon. Sa Bisperas ng Pasko, ang “Panunuluyan” (“Las Posadas” sa Español), ang paghahanap ng masisilungan nina San Jose at ng Mahal na Birheng Maria, na tinanggihan, ay isinasadula sa ilang probinsiya. May gabay ng isang bituin, natagpuan nila ang isang sabsaban sa Bethlehem kung saan isinilang ng Birheng Maria ang Mesiyas noong unang Pasko.

Ang Pasko sa Pilipinas ay tradisyon ng pagbibigay ng mga regalo at kasiyahan, lalo na para sa mga bata. Sinabi na ang galak ng Pasko ay para sa mga bata. Sa umaga pagkatapos ng Noche Buena, nagbabatian ng Maligayang Pasko ang mga mag-anak at nagbubukasan ng mga regalo, bumibisita ang mga bihis na bihis na mga bata ang kanilang mga ninong at ninang at mga kamag-anak, nagmamano bilang tanda ng paggalang. Ang mga ninong at ninang naman ay nagbibigay sa kanila ng mga regalo o mga bagong pera.

Nais ipagdiwang ng mga Pilipino ang Pasko sa abot ng ihahaba nito. Dinadala ng mga magulang ang buong mag-anak, kasama ang mga lolo at lola sa iba’t ibang aktibidad ng okasyon. Kabilang sa mapanghalina sa Pilipinas ay ang Giant Lantern Festival sa San Fernando, Pampanga, kung saan ginagawa ang pinakamalaki, pinakamaganda at world-class na mga parol; ang COD Christmas Show sa Greenhills Shopping Center; ang Ayala Triangle Lights and Sounds Show; ang University of the Philippines-Diliman Lantern Parade; ang University of Santo Tomas Paskuhan; at ang street dancing tulad ng Pakalog sa Pasig, Metro Manila, at Yugyugan Festival sa Pagsanjan, Laguna.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinisimulan ng mga Pilipino ang paghahanda sa Pasko sa pagsapit ng “ber” months. Malapit na ang Pasko kapag nakasindi na sa mga lungsod at lalawigan ang mga ilaw sa mga pangunahing lansangan ng mga ito; nagbibigay na ng mga regalo ang mga kumpanya sa mga maralitang pamayanan, at nagpapaligsahan na ang mga mall para sa atensiyon sa pamamagitan ng mga dekorasyon ng okasyon, bargain sales, at pinalamutiang mga interyor; nagsasabit na ng mga parol sa mga tahanan at naglalagay na ng mga dekorasyon sa mga bintana gamit ang makukulay na ilaw; naghahanda na ang mga opisina para sa monito-monita; may mga nangangaroling na sa mga tahanan; parang mga kabuteng naglilitawan ang mga tiangge sa matataong lugar; maririnig naman sa mga radyo ang mga awiting pamasko; nagpapalabas naman sa mga sinehan ng mga pelikulang pampamilya; at nagdi-display ang mga restawran at mga hotel ng mga dekorasyon akma sa okasyon.

Mabilisan ang pagbebenta sa mga shopping center at tiangge sa panahon ng Pasko. Hitik naman ang mga paliparan at daungan ng mga overseas worker na nagbabalik-bayan. Maraming Pilipino na nakatira o nagtatrabaho sa ibayong dagat ang umuuwi upang makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay, at tinatamasa ang subok nang tradisyon na kaugnay ng Pasko sa Pilipinas.