Nanindigan ang nagbitiw na Kalihim ng Department of Health (DOH) na si Enrique Ona na wala siyang kinita ni isang kusing mula sa alinmang bidding ng Department of Health (DOH).
Ito’y kaugnay nang sinasabing maanomalyang pagbili ng bakuna noong 2012.
Nagpahayag din ng kumpiyansa si Ona na malilinis ang kanyang pangalan at lilitaw ang katotohanan hinggil sa naturang isyu.
Iginiit niya na walang anomalya sa pagpili niya sa pneumococcal conjugate vaccine (PCV)-10 ng GSK kaysa PCV-13 ng Pfizer na inirekomenda ng World Health Organization (WHO).
Ang naturang isyu ay pinaimbestigahan ng Malacañang sa National Bureau of Investigation (NBI).
Paliwanag ng dating kalihim, hindi inirekomenda ng WHO ang PCV-13 at batay sa report ng WHO, parehong cost effective ang dalawang bakuna depende sa babakunahan.
Ang PCV-10 ay ibibigay sa mahihirap na bata at PCV-13 kung isasali rito ang matatanda at hindi mahirap na bata.
Pinili aniya niya ang PCV-10 dahil mas mura ito ng mahigit P200 milyon at may dagdag na 124,000 na bata ang mababakunahan laban sa pulmonya at iba pang impeksyon. Katunayan, Unicef pa nga aniya ang bumili nito para sa DOH.
Isa pa sa kontrobersyang kinakaharap ni Ona ay ang dengue clinical trial gamit ang halaman na iniutos ni Ona.
Ipinatigil ni acting Secretary Janette Garin ang research trial dahil unethical at ilegal ito at wala ring approval ng Food and Drug Administration (FDA).
Nilinaw ni Ona na hindi FDA ang nag-aapruba ng mga pag-aaral kundi ang Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD).
Lumiham na ang PCHRD kay Garin at sinabing may scientific basis naman ang trial base sa kanilang pag-aaral.
Inamin ni Ona na palaisipan sa kanya kung bakit naglabasan ang mga isyu laban sa kanya.