Masaya at ligtas na Pasko ang mararanasan sa araw na ito ng mga residente ng Borongan City sa Eastern Samar dahil mula sa mga evacuation center ay nakauwi na sila sa kanilang mga tahanan para ipagdiwang ang kaarawan ni Hesukristo.

Halos tatlong linggo mula nang manalasa ang bagyong ‘Ruby’ sa Eastern Samar, kinumpirma ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas na nakaaalis nang lahat ang mga pansamantalang tumuloy sa evacuation center sa Borongan upang magdiwang ng Kapaskuhan sa kanilang mga tahanan.

“Simula noong Simbang Gabi (Disyembre 16), ang mga lumikas ay nagsimula nang mag-empake ng kanilang mga gamit para makauwi sa kanilang mga tahanan,” ani Roxas.

Naibalik na rin ang koryente sa malaking bahagi ng Borongan at tuluyang magkakaroon ng enerhiya sa buong lungsod anumang araw.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Bago dumating ang bagyo, personal na nagsadya si Roxas sa Borongan at nakipag-ugnayan sa local government units (LGUs) at mga ahensiya na tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Department of Energy (DOE) upang kaagad na tumulong sa mga taong naapektuhan ng bagyo.

Nakipag-ugnayan din ang Borongan city government at iba pang LGUs sa Eastern Samar sa lokal at international non-government organizations (NG Os) para tumulong sa pagkukumpuni ng mga nasirang bahay.

Tiniyak din ni Roxas, sa pamamagitan ng Philippine National Police (PNP) regional office, ang pagpapanatili sa kapayapaan at kaayusan kaya walang ulat ng nakawan, hoarding at hindi patas na kalakalan sa rehiyon.

Nagpasalamat naman si Borongan City Mayor Fe Abunda sa National Government Frontline Team na pinangungnahan ni Roxas sa pag-ayuda sa LGUs sa paghahanda laban sa bagyong ‘Ruby’.

“Malaki ang pasasalamat namin sa pambansang gobyerno sa pamamagitan ni Sec. Mar dahil totoong senyales ito na hindi kami kinalilimutan ng pamahalaan at tunay na walang iwanan kay Pangulong Aquino,” dagdag ni Abunda.