Nakatakdang magpatawag ang Kongreso, matapos ang bakasyon sa Pasko at Bagong Taon, ng isang “congressional inquiry” hinggil sa kasalukuyang kaguluhan at panghihimasok ng Philippine Olympic Committee (POC) sa liderato at programa ng Philippine Volleyball Federation (PVF).
Isiniwalat ng isang opisyal na padadalhan ng imbitasyon o subpoena ng Kongreso ang PVF upang agad na isagawa ang hearing. Magsisimula ito sa unang linggo ng Enero kung saan ay nakatakda naman ang eleksiyon ng asosasyon sa Enero 9.
Napag-alaman din sa dating secretary general ng national sports association (NSA) na dapat sana’y naisagawa na ang imbestigasyon na nakatuon sa “in aid of legislation” subalit inabot ito sa mahabang bakasyon para sa Kapaskuhan.
Ikinatuwa naman nina PVF president Karl Chan at secretary general Dr. Rustico Camangian ang nais ng Kongreso na malaman ang nagaganap na kalakaran sa asosasyon.
“Ayaw man namin umabot dito but I guess this will be good for Philippine sports. I think those who truly care and love volleyball without any vested interest will make efforts to fix the problem and those unwilling will push and move heaven and earth to get their own agenda,” sinabi ni Camangian.
Ipinaliwanag pa ni Camangian na nagkausap sila ng dati nitong PVF board member, ang iniupong bagong Chairman sa ginanap na sorpresang pagpupulong ng mga dating opisyal ng asosasyon, na si Edgardo “Boy” Cantada upang ayusin ang hindi pagkakaunawaan sa loob ng kanilang organisasyon.
“I had a meeting yesterday with Sir Boy Cantada with endorsement of Sir Karl Chan. We had a fruitful meeting and agreed on many things primarily the need to unify the volleyball community thru a transparent and democratic process. I saw the heart and willingness of Sir Boy to settle the volleyball issue internally,” giit ni Camangian.
Nakatakdang magsagawa ng kanilang general assembly at eleksyon ang PVF sa Enero 9 bagamat agad na itong binalewala ng POC na hindi magpapadala ng observer.
Matatandaan na binuo ng POC ang 5-man committee sa pamumuno ni 1st vice-president at membership committee chairman Jose Romasanta base sa utos umano ng Asian Volleyball Confederation at internasyonal na asosasyon ng FIVB upang resolbahin ang kontrobersiya.
Ipinaliwanag ni Romasanta na may dalawang magkakaibang listahan ang mga opisyal na hawak ng PVF at nagtataka sila kung bakit may dalawang Konstitusyon ang samahan na siyang dahilan upang hindi magpadala ng observer.
Kasama naman ni Romasanta sa 5-man committee ang dating volleyball player na si Mossy Ravena, POC Legal Counsel na si Atty. Ramon Malinao, Ateneo board representative at V-League organizer Ricky Palou at Chippy Espiritu na kasama sa working group sa Singapore SEA Games Task Force.
Una nang nagbitiw si Ramon “Tats” Suzara, na opisyal ng FIVB at AVC, bilang miyembro ng 5-man board.
Ipinag-utos din ni Romasanta ang agad na pagbuo ng pinakamalakas na koponan sa Women’s Under 23 national team na gagabayan nina Roger Gorayeb at Sammy Acaylar habang isinantabi muna ng komite ang pagresolba sa liderato ng PVF.
Isasagupa ang koponan para sa 1st AVC U-23 Championship na gagawin dito sa bansa sa Mayo 1-6.