balita-editorial-dec252014

Isang istorya ng kung paano nabatid ng daigdig ang pagsilang ni Kristo sa unang Pasko mahigit 2,000 taon na ang nakararaan ay isinalaysay ni San Lucas sa Biblia: “May mga pastol ng tupa sa lupain ding yaon na nangasa parang, na pinagpupuyatan sa gabi ang kanilang kawan. At tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila: at sila’y totoong nangatakot. At sinabi sa kanila ng anghel, Huwag kayong mangatakot; sapagkat narito, dinadalhan ko kayo ng mabuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan: Sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon.

At ito ang sa inyo’y magiging pinakatanda: Masusumpungan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin, at nakahiga sa isang pasabsaban. At biglang nakisama sa anghel ang isang karamihang hukbo ng langit, na nangagpupuri sa Diyos, at nangagsasabi: Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan, At sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya” (Lc 2:8-14).

Ang naturan ay paulit-ulit na ikinukuwento sa loob ng maraming siglo at naging malaking selebrasyon ang Pasko na kumpleto pati ang maliliwanag na ilaw at piging at mga kalembang na sumasagisag sa kagalagan ng panahon, na may matataas at napalalamutiang puno na sumasagisag sa matayog na pag-asa na hatid nito, at kasama si Santa Claus na kumakatawan sa diwa ng pagbibigayan ng mga regalo.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ngunit ang lahat ng ito ay pwang palamuti lamang ng istorya ng Pasko, na pagsilang ni Jesus sa isang sabsaban at ang dukhang mga pastol ang unang nasabihan ng mga anghel – at ang pagdating ng mga hari kalaunan. Ang mga dukha ang unang nasa isip ng Diyos nang isugo Niya ang Kanyang mga anghel upang ipahayag ang mabuting balita, tulad ng pagnanais ni Pope Francis na makipagkita at hatiin ang tinapay sa piling ng dukhang mga biktima ng super-typhoon Yolanda, sa halip na matataas na opisyal, sa kanyang pagdating niya rito sa Enero.

Panatilihin natin ang marami nating tradisyon at selebrasyon ng Pasko, ang masasarap na pagkaing pampamilya, mga kasiyahan sa lugar ng trabaho, ang pagbibigayan ng mga regalo, mga konsiyerto, at maliliwanag na ilaw sa mga lansangan at matatayog na Christmas tree. Ngunit ngayon, ang Araw ng Pasko, ilagay natin ang sanggol na nasa sabsaban sa sentro ng lahat ng ito. Sapagkat Siya ang kahulugan ng Pasko. Siya ang buong dahilan ng panahong ito.

Ang Balita ay nakikiisa sa buong sambayanan at sa buong Kristiyanong daigdig sa pagbati sa bawat isa ng isang pinagpalang Pasko at, tulad ng mg anghel noonng unang panahon, nagpapahayag ng kaluwalhatian sa Diyos sa kaitaasan at sa paghahangad ng kapayapaan sa daigdig at sa lahat ng tao na may mabuting kalooban.