Malak ing lagayan ang nasa gitna ng katiwalian sa pambansang kulungan, na mas kilala sa salitang lansangan na “Munti” (Muntinlupa). Droga, sugal, babae, atbp. andito sa Bilibid. Saan ka pa. Ang bumulaga sa bayan tungkol sa marangyang kubol, milyon-milyong pisong cash, matataas na kalibreng baril, magagarang damit, o “buhay laya”, dahil na rin sa raid na pinangunahan ng National Bureau of Investigation, hindi na bago.

Matagal nang kalakaran ito. Maigi lang na naitago sa mata ng media at ng sambayanan, ang diskarte dahil madidiskarel ang raket. Natatandaan niyo ba yung nagbitiw na dating bosing ng Bureau of Corrections si Dionisio Santiago? Naka-usap ko ng halos ilang oras si Santiago ng inilipa siyang PDEA (Phil. Drug Enforcement Agency) chief. Ganap na nahagip niya ang totoong kalagayan doon at bakit iniwan ang dating posisyon. Binaka daw niya ang talamak na industriya ng droga sa bilibid. Mga “big-time pushers” ay pinatapon sa “maximum security” para di na makapagbenta. Naki-alam daw ang Palasyo (panahon ni GMA) dahil may umapelang “relihiyon” tungkol sa kanilang kasamahan. Utos ng Malakanyang, ibalik sa “minimum” ang nasabing “tulak”. Walang magawa si Santiago. Sinunod ang utos. Di pa kuntento, may pahabol pa na – dapat humingi siya ng dispensa sa prisoner. Doon na gumawa ng “resignation letter” ang dating AFP Chief of Staff. Wika niya, “Sobra na sila”. Mantakin mo nga naman, tinatayang halos 20,000 ang populasyon sa National Bilibid. Tapos, ikaw ang “drug lord” sa loob na taga-supply sa mga ito? Aba, Sa araw-araw na kita nga naman, maari kanang lumikha ng sariling mundo, kahit fanta-serye pa, sa rehas na espasyo.

Maski anong trip o luho, mapagbibigyan dahil, pera lang ang katapat. Siyempre pa, ang mga “boss” sa opisina, at yung “tata” na nagbabantay sa visitors gate, may balato, salamat sa haring shabu. Lahat namamantikaan at “hapi”, wika nga. Kahit nga dating sikat na sexy star (na may kinalaman sa bulaklak) namamayagpag sa Munti, dahil sa mga parokyano at bisyo. Kaya umaga pa, rumarampa na. Sideline nito ang pambubugaw ng mga “entertainers” na request ng mga mayayamang prisonero. Huwag sana sakyan itong “Munti” ng politiko at negosyante na laung pinaglalawayang ipabenta ng gobyerno. Siempre, ang komisyon sa mag-aapruba sa paglako nito. Merry Christmas, Juan de la Cruz!
National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!