Ni Elena L. Aben
Determinado ang mga sundalo sa Mindoro na manindigan para sa kapayapaan ngayong Pasko.
Suot ang kanilang uniporme at nakasuot ng sombrero ni Santa Clause, umawit ng mga kantang Pamasko at namigay ng mga Noche Buena gift package ang mga tauhan ng 4th Infantry Battalion, sa pangunguna ni 1Lt. June Matugas, sa mga katutubong Mangyan at maging sa mga kaanak ng mga aktibong kasapi ng New People’s Army (NPA).
Magtatapos ngayong Pasko ang tatlong araw na aktibidad.
“Bibisita kami at mangangaroling sa 20 pamilya na may kaanak sa NPA,” sabi ni Matugas.
Sinabi ni Maj. Angelo Guzman, tagapagsalita ng Southern Luzon Command (Solcom), na sinabi sa kanya ng isang ginang na miyembro ng NPA ang anak nito at walang komunikasyon ang mag-ina sa nakalipas na tatlong buwan.
“Sinabi niyang kukumbinsihin niya ang kanyang anak na sumuko na at magbalik-loob sa gobyerno,” ani Guzman.
Sinabi naman ni Lt. Col. Ariel Mabagos, commander ng 4th Infantry Battalion, na nanggaling sa mga lokal na pamahalaan, mga partner agency at iba’t ibang pang stakeholder ang mga Noche Buena gift package.
“Para sa diwa ng Pasko, ipinakikita ng mga aktibidad na ito na sinsero ang suspension of military operation (SOMO) sa Southern Luzon,” sabi ni Maj. Gen. Ricardo R. Visaya, Solcom commander.