Nagdesisyon ang organizers ng Ronda Pilipinas na ibalik sa orihinal na konsepto ang prestihiyosong karera upang mabigyan ng tsansa ang mga lokal na siklista para umunlad at madebelop ang pag-angat sa internasyonal na kalidad.

Ito ang inihayag ni Ronda Pilipinas Project Director Moe Chulani sa panayam ng Sports Radio matapos na makita ang masidhing pagnanais ng maraming lokal na siklista na nakilahok sa isinagawang karera sa Tarlac noong Linggo. Isa na sa nakikita nila ay ang maeksperiyensa ng mga siklista ang mahaba at de-kalidad na karera.

“Our main benefactor, LBC CEO Dino Araneta, wants to continue helping the local riders and he likes seeing one of them claiming the one million peso top purse,” sabi ni Chulani.

Una nang binalak na magkaroon ng Luzon, Visayas at Mindanao leg qualifying ang karera bago dumiretso sa pinal na labanan na tatampukan ng mga dayuhang koponan sa tinaguriang internasyonal na yugto. Gayunman, mas pinahalagahan ng organizers ang benepisyo para sa mga lokal na siklista.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Inaasahang sampu hanggang 12 koponan na may anim na miyembro kada isa, kabilang ang pambansang koponan, ang papadyak para sa Under 19 at dalawang Under 23 kung saan ay nakalaan ang kabuuang premyo na P8 milyon.

Ipinaliwanag pa ni Chulani na walang dahilan para sa Ronda na makipagkumpetensiya sa Le Tour de Filipinas na siyang kinatatampukan ng mga dayuhang koponan dahil kapwa asam ng karera na mapalaki at mapaunlad ang sports cycling sa Pilipinas.

Samantala, walong siklista na mula sa pambansang koponan, sa pangunguna nina SEA Games gold medalist John Mark Lexer Galedo at bronze medalist Ronald Oranza, ang hindi makasisikad sa Mindanao leg dahil sasabak sila sa Team Philippines na lalahok sa gaganaping Asian Cycling Championships sa Thailand sa Pebrero 10-14.

Ilan sa mga national rider naman ang hindi rin lalahok sa Le Tour de Filipinas sa Pebrero 1 hanggang 4.

Nalaman naman kay Race Director Ric Rodriguez na malalaman naman ang pinal na komposisyon ng mga koponan na sasabak sa Ronda Pilipinas sa Enero 9, eksaktong isang buwan bago ang pagsambulat ng torneo sa Pebrero 8 hanggang 27.