Laro ngayon: (MOA Arena)

4:15 p.m. Rain or Shine vs. Alaska

Ang malamig na klima na mas pinalamig pa ng malakas na airconditioning system ng Mall of Asia Arena ang inaasahang magpapabaga sa salpukan ng Rain or Shine at Alaska Aces ngayong Pasko sa paghataw ng Game Four sa kanilang best-of-7 semifinal series ng PBA Philippine Cup.

Ang dating mainit na digmaan sa pagitan ng Elasto Painters at Aces ay tiyak na maglalagablab ngayon lalo pa`t hangad ng huli na makuha ang 3-1 bentahe sa serye na maglalapit sa kanila sa target na pag-usad sa kampeonato habang hangad namang humirit ang una at maitabla ang kanilang duwelo sa 2-2.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Matapos abutin ng halos mahigit sa 1 oras sa kanilang post-game huddle sa nakaraang Game Three, siguradong malinaw sa isip ng mga manlalaro ng Rain or Shine ang diwa ang sinabi ng kanilang head coach na si Yeng Guiao.

``I just reminded them that the Christmas day game is a must win for us,`` ayon kay Guiao kasunod sa kanilang natamong 78-94 na kabiguan sa Aces.

Muling gumana ang depensang ipinagmamalaki ng Aces na ayon kay coach Alex Compton ay naging susi kaya inabot nila ang kinalalagyan nila ngayon nang kanilang limitahan lamang sa 27 puntos ang Elasto Painters sa first half.

Bukod dito, matapos na hindi maramdaman sa first half ang kanilang naging 96-102 kabiguan sa Rain or Shine sa Game Two, muling nagpakitang-gilas si Calvin Abueva at nagposte ng career-high na 28 puntos na tinambalan pa nito ng 14 rebounds upang pangunahan ang Aces sa pagkopo ng 2-1 bentahe sa serye.

``I`m sure they (RoS) will make a comeback, we just have to be better and better every game especially on our defense,`` pahayag ni Compton.

Maliban kay Abueva, aasahan din ni Compton para sa target nilang ikatlong panalo sina Sonny Thoss, Jayvee Casio, Dondon Hontiveros, Eric Menk at Cyrus Baguio.

Sa kabilang dako, dobleng kayod naman ang inaasahan kina Gilas standouts Paul Lee, Beau Belga, Jeff Chan at Gabe Norwood, kasama sina Game Two hero Jervy Cruz at Jonathan Uyloan, JR Quinahan at Raymund Almazan para patuloy na buhayin at palakasin ang tsansa nilang makarating sa finals.