CEBU CITY – Umabot sa 87 cellular phone, dalawang laptop at isang DVD player ang isinuko ng mga preso sa Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center (CPDRC) bago idaos ang kanilang Christmas party.
Sinabi ni CPDRC Jail Warden Romeo Manansala Jr. na hindi nila papayagang matuloy ang Christmas party kung hindi isusuko ng mga bilanggo ang mga gadget, na mahigpit na ipinagbabawal sa mga piitan.
Una rito, nakumpiska ng mga prison guard mula sa mga preso ang 286 mobile phone nang magsagawa ng inspeksiyon sa mga selda ilang linggo ang nakararaan.
Subalit naniniwala pa rin si Manansala na marami pa ring preso ang itinatago ang kanilang gadget sa loob ng pasilidad kaya patuloy silang magsasagawa ng surprise inspection sa mga susunod na araw.
Sa susunod na taon, sinabi ni Manansala na mahigpit na nilang ipagbabawal ang pagdadala ng bag ng mga dadalaw sa pasilidad upang maiwasan ang pagpupuslit ng mga kontrabando. Tanging pagkain lamang ang kanilang papayagang maipasok sa CPDRC - Mars Mosqueda