Sa pagbibitiw ni dating Senador Panfilo Lacson bilang Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery (PARR), dalawang makabuluhang bagay ang kanyang ipinamalas: Ang mismong paghahain niya ng irrevocable resignation o hindi mababawing pagbibitiw sa tungkulin; at ang pag-iwas sa duplication of function o pagkakapareho ng mga gawain na dapat ay nakaatang lamang sa isang ahensiya ng gobyerno. Ang naturang mga bagay na maituturing na legacy o pamana ay nakatuon sa mismong mga opisyal ng administrasyon ni Presidente Aquino at sa mga departamento na mistulang nag-aagawan ng mga gawain o tungkulin.

Sa mahigit na isang taong panunungkulan ni Lacson bilang rehabilitation czar, nakita niya na ang pinamamahalaan niyang PARR ay kailangang ipagkatiwala na lamang sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). Sa gayon, lalong magiging epektibo ang rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta ng super typhoon Yolanda. Lalo marahil magiging mabilis ang pagbangon ng mga biktima ng kalamidad kung ang dating gawain ng PARR ay ipagkakatiwala sa higit na angkop na ahensiya na tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) o sa National Housing Authority (NHA). Sa pagtutulungan ng kinauukulang mga ahensiya ng pamahalaan, maiiwasan ang duplikasyon o pagkakapare-pareho ng mga tungkulin na madalas humantong sa pagkabalam ng implementasyon ng rehabilitation program. Hindi ito maisasagawa ng PARR sapagkat ito ay isa lamang ad hoc body na limitado ang mga kapangyarihang ipinagkaloob dito.

Ang paghahain naman ni Lacson ng kanyang irrevocable resignation ay mistulang lumatay sa ilang tauhan ng gobyerno, lalo na ang ilang miyembro ng Gabinete ni Presidente Aquino. Kabi-kabila ang mga panawagan upang sila ay magbitiw na, lalo na ang mga nasasangkot sa pandarambong ng salapi ng bayan; ang ilan sa kanila ay inihabla na sa Office of the Ombudsman ng kasong plunder kaugnay ng kasumpa-sumpang PDAF at DAP. Subalit sila ay nananatiling walang delicadeza at manhid sa panawagan ng sambayanan.

Sa kabila ng katotohanang ito, maitatanong: Tularan kaya ang mga legacy o pamana ni Lacson?
Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race