Bubuksan na sa franchise area ng Manila Electric Company (Meralco) prepaid electricity o kuryente load.
Inihayag ng executive director at tagapagsalita ng Energy Regulatory Commission na si Atty. Francis Saturnino Juan na hiniling na ng Meralco ang pahintulot ng Commission para i-commercialized ang kuryente load.
“Meralco has filed a petition last December 12,” anunsyo Atty. Juan. Idinagdag na ito ay bunsod ng matagumpay na pilot test sa Taytay at Angono, Rizal.
Ang kuryente load ay mabibili nang tingi sa Meralco Bayad Centers at load retailer sa halagang P100 hanggang P1,000. Walang expiration ang load. Wala ring service deposit, installation at reconnection fee kapag naputulan.
Binigyan-diin ni Mr. Joe Zaldarriaga, vice-president for external communications at tagapagsalita ng Meralco, na bukod sa naayon sa kapasidad ng kustomer ang halaga, madaling mamonitor o makontrol ang paggamit ng kuryente at wala nang matatanggap na monthly bill.
Sinabi ni Zaldarriaga na aaabisuhan ang kustomer sa pamamagitan ng SMS o text kung natanggap na ang kuryente load at kung ito’y paubos na para makagawa ng karampatang hakbang ang kustomer.