Dalawang isport lamang ang hindi sasalihan ng Pilipinas sa nalalapit nitong paglahok sa ika-28 edisyon ng kada dalawang taong Southeast Asian Games na gaganapin simula Hunyo 5 hanggang 16, 2015 sa Singapore.
Napag-alaman kay Wushu Federation of the Philippines (WFP) secretary general at siyang tatayong chef de mission sa Singapore SEA Games Julian Camacho na tanging sa floorball at netball na hindi popular sa bansa at bihirang nilalaro hindi kasali ang delegasyon.
Ito ay matapos namang isumite ng mga National Sports Associations (NSAs) ang kanilang inisyal na listahan ng mga atletang ninanais nitong ilahok sa Singapore SEA Games.
Kabuuang 402 gintong medalya mula sa 36 sports ang paglalabanan kung saan ay umaabot sa 800 ang bilang ng mga atletang ipinatala sa organizing committee ng 28th SEAG para sa accreditation.
Paglalabanan sa SEA Games ang aquatics (diving, swimming, synchronized at water polo), archery, athletics, badminton, basketball, billiards and snooker, bowling, boxing, canoeing, cycling, equestrian, fencing, floorball, football, golf, gymnastics, field hockey, judo, netball, pencak silat, petanque, rowing, rugby sevens, sailing, sepak takraw, shooting, softball, squash, table tennis, taekwondo, tennis, traditional boat race, triathlon, volleyball, waterskiing at wushu.
Ilan sa inaasahang makakasama sa delegasyon ang team sports sa basketball (men/women), traditional boat race o dragonboat (men/women) at softball.
Umaasa rin ang volleyball na mapapasama sa delegasyon matapos ang mahigit siyam na taong pagkakawala subalit dedepende ito sa nagaganap na sigalot sa liderato ng Philippine Volleyball Federation.