Si Mike Nieto ng Ateneo ang kasalukuyang nangunguna para sa karera bilang Most Valuable Player ng UAAP Season 77 juniors basketball tournament.

Ayon sa mga pigurang ipinalabas ng official statistician ng liga na Imperium Technology at Smart Bro, si Nieto ay humakot ng 69.8571 statistical points upang maungusan sina Aljun Melecio ng La Salle at Mark Dyke ng National University, na tabla sa ikalawa at ikatlong puwesto sa kanilang natipong 67.4286 SPs.

Si Nieto, na ang game-winning layup noong nagdaang Sabado ang nagbigay sa Blue Eaglets ng 66-64 panalo kontra Bullpups upang walisin ang unang round, ay nasa No. 4 sa liga pagdating sa scoring sa kanyang 15 puntos at ikaapat din bilang best rebounder sa kanyang 10.4 kada outing.

Ang kakambal ni Nieto na si Matthew, samantala, ay nasa ikaapat na puwesto sa kanyang 62.5714 SPs, habang si Joaquin Banzon ng La Salle-Zobel ang sumasara sa Top 5 sa kanyang naipong 55.5714.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nangibabaw si Banzon sa scoring department sa kanyang 16.4 puntos kada laro at maging sa assists sa kanyang 6.0 average, ikalawang pinakamagaling sa steals sa nailistang 1.7 kada laro.

Sinusundan ni Banzon ang kakamping si Melecio sa scoring sa second-best na 15.4 puntos bawat laban at kasalukuyang nangunguna sa steals sa kanyang 2.1 average.

Pagdating sa rebounding, si Dyke ang nasa No.1 sa naitalang 13.3 kada laro at ikapito naman pagdating sa scoring na may 14.3 points per outing.

Papasok ang Blue Eaglets sa second round na may 7-0, panalo-talo, na kartada, habang ang Bullpups, na ang nakamamanghang 22-game winning streak ay naputol kamakailan, ay nasa ikalawang puwesto sa kanilang kartadang 6-1. Tangan ang 5-2 na rekord, ang Junior Archers naman ang pumapangatlo.

Matapos ang dalawang linggong Christmas break, mag-uumpisa ang aksiyon sa ikalawang round sa Enero 7 sa Blue Eagle gym.